KILOS NG MINORS BABANTAYAN

NAGLABAS ng isang executive order ang pamahalaang lungsod ng Parañaque bilang guidelines para mabantayan ang kilos ng mga kabataan na nasa edad 12 hanggang 17 sa malls, shopping centers at iba pang kahalintulad na mga establisimiyento.

Nakapaloob sa EO, anuman ang vaccination status ng mga kabataan na nasa edad 12 hanggang 17 ay pinapayagan nang makapasok sa mga malls, shopping centers at iba pang kahalintulad na establisimiyento sa kondisyon na laging kasama ng mga ito ang kanilang mga magulang o guardian na mga fully vaccinated na din laban sa COVID-19.

Bagaman pinapayagan lamang sa lungsod ang mga 11-taong gulang pababa sa outdoor areas, maaari rin namang payagan sila sa indoor areas kung kukuha lamang ang mga ito ng esensyal na bagay at serbisyo o para sa mga gawaing pangkalusugan o legal o dili kaya ay sasangguni rin lamang sa mga ahensiya ng gobyerno.

Gayundin,inatasan ang Business Permit and Licensing Office (BPLO) sa ilalim ng pamumuno ni Atty. Melanie Malaya sa pagtatalaga ng team na magsisiyasat at maniniguro na ang mga establisimiyento na magpapapasok ng mga kabataan ay kasama ang kanilang mga magulang o guardian.

Makaraang matanggap ni Malaya ang kautusan ay agad itong nagtalaga ng team upang masiguro na sumusunod ang mga tao sa pagpapatupad ng minimum public health standards kabilang na ang mandatory na pagsusuot ng face mask at pag-obserba sa physical distancing.

Bukod sa itatalagang BPLO team ay sinabi ni Malaya na kabilang ang lokal na pulisya, Task Force Parañaque at mga barangay tanod ang aakto bilang site marshals para masiguro na nasusunod ang naturang kautusan.

Sinabi rin ni Malaya na ang mga establisimiyento na mapapatunayang lumabag sa kautusan ay mahaharap sa kaparusahan na kanselasyon ng safety seal certificate o pati business permit na inisyu ng lokal na pamahalaan. MARIVIC FERNANDEZ