SORSOGON – ISANG indignation rally ang ilulunsad ng iba’t ibang militanteng grupo ngayong Lunes para kondenahin at ihingi ng hustisya ang pagpatay sa dalawang human rights workers sa lalawigang ito noong Sabado ng umaga.
Pangungunahan ng grupong Karapatan at iba’t ibang people’s organization ang ikinasang kilos protesta sa umano’y ginawang extra judicial killing kay Ryan Hubilla, 22-anyos at Nelly Bagasala. 60-anyos, miyembro ng Sorsogon People’s Organization at kapwa rin Karapatan-Sorsogon staff members.
Sina Hubilla at Bagasala ay binaril sa Brgy. Cabidan, Sorsogon City, Sorsogon.
Ang dalawa ay parehong aktibong tumutulong sa mga kasong may kaugnayan sa human rights violations at umaayuda rin sa mga political prisoners sa lalawigan.
Samantala, maging sa gate ng Camp Aguinaldo sa Quezon City kung saan naroon ang tanggapan ng Department of National Defense ay inaasahang pagdadausan ng rally ng mga militante.
Ayon kay Police Lt. Col. Eymard Gomez, hepe ng Sorsogon City Police, pinagbabaril ng dalawang lalaking naka-motorsiklo ang mga biktima alas-9 ng umaga noong Sabado.
Unang binaril si Hubilla na kakababa lang ng tricycle, sumunod na pinaputukan si Bagasala.
Nakatakbo at nakaligtas ang isa pa nilang kasamahan na hindi muna pinangalanan ng pulisya. VERLIN RUIZ
Comments are closed.