NANATILING walang panalo ang Filipinas sa 2019 FIBA Basketball World Cup matapos ang 84-81 overtime loss sa Angola kahapon sa Foshan, China.
Galing sa back-to-back blowout losses kontra Italy at Serbia sa kanilang unang dalawang asignatura, ang Gilas Pilipinas ay umasa sa mas magandang resulta laban sa African side, na tinambakan din ng dalawang European powers.
Binura ng mga Pinoy ang double-digit deficit upang maipuwersa ang overtime, bago kinapos sa extra period.
Naghahabol pa rin ang Gilas, 61-51, sa kaagahan ng final period nang makakuha ng foul si Kiefer Ravena para sa tatlong free throws. Naisalpak ng dating Ateneo guard ang lahat ng tatlong tira, na nagsindi sa mainit na 11-2 run na naglapit sa Gilas sa 63-62, may limang minuto sa orasan.
Binasag ng Angola ang katahimikan sa isang basket sa sumunod na possession, subalit sumagot ang Gilas ng isang jumper mula kay Andray Blatche at isang corner three mula kay Roger Pogoy upang ilapit ang Filipinas sa 67-65, may 3:51 ang nalalabi sa fourth quarter.
Naitala ng Gilas ang unang tatlong puntos sa extra period, bago biglang nanlamig. Isang 7-0 run ang nagbigay sa Angola ng 80-76 kalamangan, may dalawang minuto sa orasan.
Tumapos si Blatche na may 23 points at 12 rebounds para sa kanyang best outing sa torneo. Nagdagdag si CJ Perez ng 17 points habang gumawa si Robert Bolick ng 10 para sa Gilas.
Ang Gilas Pilipinas, No. 31 sa mundo, ay mas mataas ang ranking sa No. 39 Angola.
Tinapos ng mga Pinoy ang group round na may 0-3 win-loss record, bago tumungo sa Beijing sa Huwebes para sa classification phase kung saan makakasagupa ng Gilas at Angola ang Iran at ang loser sa Puerto Rico-Tunisia game sa Group N.