KINAROROONAN NI ROQUE TINUTUTUKAN NG PNP

KUMIKILOS na ang Philippine National Police (PNP) partikular sa backtracking investigation upang beripikahin ang impormasyon mula kay Vice President Sara Duterte na nakaalis na ng bansa si dating presidential spokesperson Atty. Herminio “Harry” Roque.

Sinabi ni PNP Spokesperson Brig. Gen. Jean Fajardo na nakikipag-ugnayan na sila sa Bureau of Immigration (BI) gayundin sa iba pang mga ahensya ng pamahalaan hinggil sa nasabing report.

Inaalam na rin sa intelligence community kung totoo na nakalabas na ng bansa si Roque.

Magugunita na sa virtual conference ni VP Sara noong Sabado ng hatinggabi, isiniwalat nito na napilitan lumabas ng Pilipinas si Roque dahil sa mga isyu na ibinabato ng Kamara laban sa dating Malacañang official.

Una nang kinumpirma ng BI na wala sa Pilipinas ang asawa ni Roque na si Mylah simula pa noong Setyembre.

Si Atty. Roque ay kasalukuyang tinutugis ng House sergeant-at-arms para i-cite in contempt at ipinaaaresto ng House Quad Committee dahil sa pagkakasangkot sa pamamayagpag ng ilegal na POGO sa bansa.

EUNICE CELARIO