KINAROROONAN NI TEVES ‘DI PA MATUKOY

NANANATILING  tikom si Negros Oriental 3rd District Rep. Arnolfo Teves Junior kaugnay sa kanyang kinaroroonan.

Sa gitna ito ng pahayag ni Senate Majority Leader Joel Villanueva sa hearing ng Senate Public Order and Dangerous Drugs Committee na posibleng nasa South Korea ang suspendidong mambabatas.

Ayon kay Congressman Teves, hindi muna siya magkokomento hinggil sa kanyang kinaroroonan pero mga awtoridad naman na ang makatutuklas nito.

Si Teves ang itinuturong “mastermind” Sa Pamplona massacre, kung saan kabilang sa pinaslang si dating Negros Oriental Governor Roel Degamo.

Kamakalawa ay hinarang ng Senado na dumalo virtually si Teves sa imbestigasyon kaugnay sa pagpatay kay Governor Roel Degamo dahil sa kawalan ng hurisdiksyon at inter-parliamentary courtesy.

“There is a unanimous agreement [among senators] not to allow the virtual presence of Congressman Teves,” wika ni Senador Ronald dela Rosa, chairman ng Senate Committee on public order and dangerous drugs kaugnay sa apela ni Pamplona Mayor Janice Degamo, misis ng pinatay na Gobernador na huwag payagang dumalo virtually si Teves.

Una nang inihayag ni Dela Rosa na dadalo sa pamamagitan ng teleconferencing si Teves.

Dahil dito, hinamon na lamang ni Dela Rosa si Teves na umuwi na sa Pilipinas at humarap sa akusasyon hinggil sa Degamo slay case.

Ito ay makaraang linawin sa pagdinig din ni Justice Secretary Jesus Crispin “Boying” Remulla na wala pang warrant of arrest laban kay Teves.

“Cong. Teves, wala kang warrant. You have no reason to be arrested. Hindi ka puwedeng arestusin. Puwede kang

pumunta dito, hintayin ka namin hanggang gabi bumiyahe ka dito sa Senado,” pahayag ni Dela Rosa.
Pinatitiyak naman kay Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos na walang masamang mangyayari kay Teves kung babalik siya sa bansa.

“Ako mismo magbabantay sir. I assure you 100%,” tugon ni Abalos.

Binanggit naman nina Senators Risa Hontiveros at Francis Tolentino na dapat manumpa si Teves sa embahada o konsulado ng Pilipinas sa bansang kanyang tinutuluyan.

“If ever the committee and the chair would allow him to testify virtually, at the very, very least, kailangan sa isang consulate, isang embahada ng ating Republika where an embassy official should administer the oath,” saad ni Hontiveros.

Sinabi rin ni Dela Rosa na tinawagan siya ni Teves noong Linggo at muling binanggit ang umano’y banta sa kanyang buhay dahilan upang hindi makadalo physically sa Senado.

“I respect his decision,” ani Dela Rosa na hindi naman nabanggit kung saan nagtatago ang suspendidong Kongresista.

Dagdag pa ni Dela Rosa na hindi maaaring i-cite in contempt ng komite si Teves o mag-isyu ng subpoena, kahit na kinakailangan, kung wala naman itong “jurisdiction over his person.”

“The doors are not completely shut down to Congressman Teves. If he wants to come here physically, then by all means, we will entertain [him],” ayon pa kay Dela Rosa.

Samantala, dumalo naman sa imbestigasyon ang kapatid ni Teves na si dating Negros Oriental Governor Pryde Henry Teves. VICKY CERVALES