KINONDENA ni Senador Win Gatchalian ang nakagawiang ‘utang tagging’ kung saan ang mga propesyonal na may nakabimbing administrative cases, kabilang ang mga guro, ay hindi nakakapag-renew ng kanilang mga lisensya sa Professional Regulation Commission (PRC).
Bagaman sinuspinde na ng PRC ang naturang polisiya, binigyang-diin ni Gatchalian na kinakailangang protektahan ang mga guro sa pang-aabusong may kinalaman sa pangongolekta ng bayad sa utang.
Kinastigo ni Gatchalian, chairman ng Senate Committee on Basic Education, kung paano tila naging hostage ang lisensiya ng mga guro dahil hindi sila makapagbayad ng kanilang mga utang.
“Hindi natin dapat iniipit ang lisensiya ng ating mga guro dahil sa kanilang pagkakautang. Ang ganitong klase ng panggigipit at pang-aabuso sa ating mga guro ay hindi dapat natin pinalalagpas. Tungkulin nating protektahan at itaguyod ang kapakanan ng mga guro na marami nang isinasakripisyo para sa pagpapatuloy ng edukasyon,” ani Gatchalian.
Ayon kay Alliance of Concerned Teachers (ACT) Partylist Representative France Castro, maaaring ang loan sharks na may koneksiyon sa PRC ang nasa likod ng ‘utang tagging’ kung saan ang apektadong mga guro ay may mga loan mula sa mga lending schemes na naniningil ng sobrang taas na interes ngunit hindi naman accredited ng Department of Education (DepEd).
Iginiit ng senador ang kahalagahan na maipasa ang Senate Bill No. 818 o ang Fair Debt Collection Practices Act na ang maniningil ng utang ay hindi maaaring mang-harass o mang-abuso ng sino mang may utang pagdating sa paniningil.
Ang paggamit ng karahasan o anumang uri ng pagbabanta, pagsasapubliko ng pangalan at iba pang impormasyon, at paggamit ng mga mapanirang-puring salita ay ilan lamang sa mga bagay na ipinagbabawal sa panukalang batas.
Ayon pa sa panukalang batas, ang kolektor ay hindi maaaring gumamit ng peke at mapanlinlang na pamamaraan ng paniningil. Ipinagbabawal din ang mga malulupit at hindi makataong pamamaraan ng paniningil.
VICKY CERVALES