SA KABILA ng iniindang sakit ay tumapos si LeBron James na may 22 points, 12 rebounds at 14 assists upang pangunahan ang host Los Angeles Lakers sa 112-104 panalo laban sa New Orleans Pelicans noong Biyernes ng gabi.
Ito ang ikatlong triple-double ni James bilang miyembro ng Lakers at ang kanyang ikalawa sa apat na laro. Ito rin ang ika-76 sa kanyang career. Nagdagdag si Kyle Kuzma ng 23 points para sa Lakers, na pinutol ang two-game losing streak.
Kumamada si Anthony Davis ng 30 points at 20 rebounds para sa Pelicans, na nalasap ang ikatlong sunod na kabiguan at 0-2 sa simula ng kanilang four-game road trip.
Umiskor si Rajon Rondo ng Los Angeles ng 8 points at nagbigay ng siyam na assists sa kanyang unang laro magmula noong Nob. 14. Hindi siya nakapaglaro sa 17 games dahil sa baling buto sa kanyang kamay na nangailangan ng operasyon.
BUCKS 120,
CELTICS 107
Habang naging malamig ang simula ni Giannis Antetokounmpo, naging sandigan ng kanyang Milwaukee teammates ang kanilang laki at 3-point shooting upang itarak ang 26-point first-half advantage, at ginapi ng bumibisitang Bucks ang Boston.
Nagtangka lamang si Antetokounmpo sa apat na tira mula sa field sa pag-iskor ng 11 points bago ang break. Tumapos siya na may 30 points sa 8-for-13 shoot-ing na sinamahan ng walong rebounds, limang assists at tatlong blocked shots. Nagdagdag si Khris Middleton ng 21 points at gumawa si Eric Bledsoe ng 16 para sa Bucks.
Nanguna si Jaylen Brown para sa Celtics na may 21 points mula sa bench. Tumapos si Jayson Tatum na may 20 points sa kabila ng pagsablay ng 10 sa 15 tira sa mula sa field.
RAPTORS 126, CAVALIERS 110
Napantayan ni Kawhi Leonard ang kanyang season best na may 37 points sa 12-for-16 shooting, at pinataob ng Toronto ang bumibisitang Cleveland.
Tumipa si OG Anunoby ng career bests 21 points at 8 rebounds para sa Raptors, habang nagdagdag sina Pascal Siakam ng 15 points at 10 rebounds, Fred VanVleet ng 14 points at 8 assists, at Norman Powell ng 11 points.
Nakalikom si Jordan Clarkson ng 20 points para sa Cleveland. Nag-ambag si Collin Sexton ng 17 points, nakakolekta si Larry Nance Jr. ng 16 points at 12 rebounds, at nagposte si Cedi Osman ng 12 points para sa Cavaliers.
PACERS 114,
NETS 106
Nagbuhos si Victor Oladipo ng 26 points, 9 rebounds at 6 assists upang tulungan ang Indiana na mamayani laban sa Brooklyn sa New York.
Tumirada si Thaddeus Young ng 21 points habang nagdagdag sina Domantas Sabonis at Bojan Bogdanovic ng tig-17 para sa Pacers, na pinutol ang two-game slide. Nag-ambag si Myles Turner ng 15 points at 12 rebounds.
Kumabig si Rodions Kurucs ng 24 points at tumabo si DeMarre Carroll ng 16 para sa Brooklyn, na naputol ang season-best seven-game winning streak. Gumawa si Spencer Dinwiddie ng 15 points, at tumipa sina Rondae Hollis-Jefferson at Joe Harris ng tig-13.
Sa iba pang laro: Spurs 124, Timberwolves 98; Jazz 120, Trail Blazers 90;
Kings 102, Grizzlies 99; Bulls 90, Magic 80; Hornets 98, Pistons 86; Hawks 114, Knicks 107.
Comments are closed.