DEHADO man sa papel, pinatunayan ng King Tiger (mula sa lahi ng Brigand at Tiger Queen) ang tikas sa impresibong galaw sa krusyal na sandali para gapiin ang mga paboritong karibal sa 2022 Philracom 4YO & Above Sprint Race nitong Linggo sa Santa Ana Park sa Naic, Cavite.
Kabilang sa tropa ng Rancho Sta. Rosa, ginulantang ng King Tiger ang manonood nang lagpasan ang mga karibal para makumpleto ang come-from-behind win at angkinin ang tropeo at ang premyong P900,000.
Umarya ang liyamadong Mommy Caring sa pagbubukas ng ruweda kasunod ang karibal na Asiong at Stardust. Nakabuntot ang Flattering You at nagkukumahog sa ikalimang posisyon ang King Tiger sakay ang pamosong jockey na si John Alvin Guce sa layong 12′ hanggang 20′ metro sa unahan.
Ngunit ang tibay at katatagan ng alaga ng trainor na si Ruben Tupas ay akma sa disenyo ng Naic race track para agawin ang bentahe sa huling ratsadahan para makuha ang panalo sa bilis na 58 segundo.
Naiwan ang Mommy Caring, Flattering You at Stardust para sa premyong P300,000, P150,000 at P75,000, ayon sa pagkakasunod-sunod.
“Congratulations to King Tiger’s connections for winning this afternoon main event. This result shows the unpredectability of a 1000-meter race. It is not all about speed, but just having enough gas left in the tank for the most important stretch run,” pahayag ni Philracom Chairman Reli de Leon.