‘KING WA ANG NAGLAHONG KAHARIAN NG QUINGUA’ WAGI SA SINELIKSIK BULACAN DOCUFEST 2018

Sineliksik

LUNGSOD NG MALOLOS – Nagwagi ang ‘King Wa Ang Naglahong Kaharian ng Quingua’ ng Best Documentary at Best Research sa ginanap na araw ng parangal ng “Sineliksik Bulacan Docufest 2018” sa Cinema 1 ng SM City Baliwag, Baliwag, Bulacan kamakailan.

Sa kabuuan, nag-uwi ang AADG Film ng P130,000 papremyo at dalawang tropeo para sa kanilang dokumentaryo na tumalakay sa St. James the Apostle Parish Church sa Plaridel, Bulacan.

Sa kanyang mensahe ng pagtanggap, pinasalamatan ni Andrew Alto De Guzman, mananaliksik at direktor ng nanalong piyesa, ang mga taong tumulong sa kanya at sa kanyang grupo sa paggawa ng dokumentaryo.

“Nagpapasalamat po ako sa proyektong ito dahil napakabanal ng layunin nito upang ma-preserve at ma-conserve ang ating mga pamanang kultural. Magtulong-tulong tayo na pangalagaan, una, ang ating kalikasan bilang pagkain ng ating sikmura at pangalagaan din ang ating pamanang kultural bilang pagkain ng ating kaluluwa,” ani De Guzman.

Gayundin, nanalo ang Estasyong Itinangi(s) ng Best Cinematography, Special Jury Prize at Best Poster at tumanggap ng kabuuang P55,000 perang papremyo, dalawang tropeo at katibayan ng pagkilala; habang nakuha naman ng Aguas Potables Ang Tore ng Malolos ang Audience Choice award at binigyan ng P15,000 perang papremyo at tropeo; at nakuha ng Nagtatago Yaman at Kasaysayan Ako ang Tahanan ni Dr. Luis Uitangcoy Santos ang Best Trailer award at tumanggap ng P5,000 perang papremyo at kat-bayan ng pagkilala.

Layunin ng ikalawang taon ng Sineliksik Bulacan Docufest 2018 na may temang “Pamana ng Lahi, Yamang aking Ipinagmamalaki” na magkaroon ng komprehensi­bong pananaliksik tungkol sa mga pamanang estruktura ng Bulacan.

Proyekto ito ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan sa pangunguna nina Gobernador Wilhelmino Sy-Alvarado at Bise Gob. Daniel Fernando sa pamamagitan ng Provincial History, Arts, Culture and Tourism Office, Film Development Council of the Philippines, National Commission for Culture and the Arts, at ng National Historical Commission of the Philippines. A. BORLONGAN

 

 

Comments are closed.