SI Makati Second District Councilor Nemesio “King” Yabut Jr. na ang bagong Majority Floor Leader ng Makati City Council matapos ang 11 miyembro nito ang bumoto upang palitan si Councilor Maria Concepcion Yabut ng Unang Distrito ng nasabing lungsod.
Ang tumatakbo para sa congressman ng Ikalawang Distrito ng Makati na si Yabut Jr. ay ibinoto bilang bagong Majority Floor Leader noong Miyerkoles. Kabilang sa mga sumuporta sa kanya ay sina Councilors Shirley Aspillaga, Maria Alethea Casal-Uy, Ferdinand Eusebio, Lony De Lara-Bes, Divina Jacome, Leonardo Magpantay, Romeo Medina, Arlene Ortega, Nelson Pasia, Mary Ruth Tolentino, at Evelyn Delfina Villamor.
Ang 12 konsehal na kabilang sa bagong mayorya ng Makati City Council ay kasama ng 13 mga kasalukuyang halal na konsehal ng Makati City na nananawagan noon kay dating Makati Mayor Jejomar Erwin “Junjun” Binay Jr. na bumalik sa puwestong kanyang napanalunan noong 2010 at 2013.
Ang pang-13 na konsehal ay ang namayapang si Rico J. Puno.
Ayon kay Yabut Jr., ang kanyang pag-akyat bilang Majority Leader ay isa lamang “natural na resulta dahil 12 sa amin sa City Council na sumusuporta kay Mayor Junjun ay ang kasalukuyan nang mayorya. Ito ay aksiyon lamang ng isang grupo na nais isakatuparan ang kanilang karapatang pamunuan ng isa sa kanila.”
“Ganito naman sa isang demokrasya. Kagaya ng sa Mababang Kapulungan ng Kongreso, kung iboboto ng mayorya ang isang bagong Speaker of the House, papalitan din ng mayorya ang mga nakaupo sa mga posisyon sa Kamara, kagaya ng majority floor leader,” dagdag pa ni Yabut Jr., na tumatakbo laban sa incumbent na si Second District Rep. Luis Campos, kabiyak ni Makati Mayor Abigail B. Campos.
Dahil sa suporta ng 12 sa 18 na mga kasalukuyang konsehal sa Makati City Hall at 21 sa 33 mga barangay kapitan, si Binay Jr. ay tumatakbo ngayong tulak-tulak ng mayorya sa mga halal na opisyal ng Makati––isang pambihirang pagkakataon dahil ang kadalasang kumukopo ng suporta ng Konseho at ng mga barangay ay ang nakaupong kandidato bilang punong-lungsod.
Ngunit noong nakaraang buwan, nagpahayag ang isa sa kasalukuyang mga konsehal na si Councilor Ferdinand Eusebio, na may “malawakang panawagan” sa pagbabalik ni Binay sa Makati City Hall.
“Kung bababa ka sa mga barangay at makipag-usap sa mga residente ng Makati, maging ang iba pang mga sektor, mamumulat ka sa katotohanang lahat sa kanila ay nangungulila kay Mayor Junjun. Nami-miss nila ang serbisyong Binay,” ayon sa konsehal na nasa ikaanim niyang termino.
Sinasabing halos walang suporta sa mga komunidad ang pagnanais ni Campos na muling tumakbo, kaiba sa kampanya noon ni Binay Jr. na kumopo sa 80% ng mga boto sa Makati noong 2013 local elections. Nakakuha si Binay Jr. noon ng 208,748 boto — 182,957 ang lamang nito kay Rene Bondal na tanging 25,791 boto lamang ang nakuha.
Comments are closed.