KINGS, BOLTS SA KRUSYAL NA DUELO

Photo courtesy of: PBA.ph

Mga laro ngayon:
(Araneta Coliseum)
3 p.m. – Blackwater vs Rain or Shine
6 p.m. – Meralco vs Ginebra

WALA ang kanilang mga head coach, magsasalpukan ang Barangay Ginebra at Meralco sa krusyal na laro ngayong Miyerkoles, kung saan poposisyon ang Gin Kings sa lead pack at sisikapin ng Bolts na mapaganda ang puwesto sa gitna ng team standings papasok sa homestretch ng PBA Philippine Cup elims.

Nadominahan ng Kings ang Bolts sa kanilang Governors’ Cup finals rivalry at sisikaping mahila ang dominasyon sa kanilang paghaharap na may layuning tumapos sa Top 2 para sa twice-to-beat incentive sa quarterfinals.

Nakatakda ang laro sa alas-6 ng gabi sa Araneta Coliseum matapos ang sagupaan ng Blackwater at Rain or Shine sa alas-3 ng hapon.

Sa 6-2, ang Ginebra ay nakasisiguro na sa quarters subalit nasa mainit na laban para sa quarters bonus kontra San Miguel Beer (8-1), TNT Tropang Giga (8-3), Blackwater (5-2), Magnolia (5-3) at maging ang Meralco (4-3).

Para sa Bolts, ang kaagad na layunin ay ang pumasok sa quarterfinals.

Ang Kings at Bolts ay maglalaro na wala ang kani-kanilang coach na sina Tim Cone at Norman Black.

Nalasap ng Ginebra ang unang kabiguan sa tatlong laro sa ilalim ni sub coach Richard del Rosario kontra TNT, 92-106, habang binigyan ng Meralco si coach Black ng kapayapaan ng isipan sa US nang magwagi ang Bolts sa ilalim ni caretaker Luigi Trillo kontra Rain or Shine Elasto Painters, 77-73.

Si Black ay nasa US para dalawin ang kanyang may sakit na ina.

Samantala, sinabi ni Trillo na naging susi sa kanilang panalo ang pagiging positibo sa kanilang mga laban.

Makakatuwang ngayon ni Trillo si Ronnie Magsanoc na bumalik mula sa kanyang trabaho sa Gilas Pilipinas sa katatapos na FIBA 3×3 Asia Cup.