Mga laro ngayon:
(Philsports Arena)
4:30 p.m. – Converge vs Phoenix
7:30 p.m. – Ginebra vs Blackwater
SINO sa Barangay Ginebra at Blackwater ang makababalik sa winning form at mananatili sa likod ng mga lider?
Ang Gin Kings at Bossing na galing sa magkakasunod na talo ay magsasagupa ngayong Biyernes, alas-7:30 ng gabi, sa PBA Philippine Cup sa PhilSports Arena sa Pasig.
Ang dalawang koponan ay kapwa may 3-3 kartada, kung saan natalo ang Bossing sa kanilang huling tatlong laro habang ang Kings ay nabigo sa tatlo sa kanilang huling apat na asignatura.
.Nakabuntot pa rin sila sa mga lider ngunit kailangan nang maputol ang kanilang skid.
Ito’y dahil nasa crowded pack sila sa gitna ng standings, katabla ang TNT sa ika-5 hanggang ika-7 puwesto. Nakadikit din ang Magnolia sa 2-2, gayundin ang Meralco at Rain or Shine sa 3-4.
Kaya ang Kings at Bossing ay magbabakbakan sa isang virtual playoff face-off, ilang linggo bago ang playoffs.
Dismayado sa nilalaro ng kanyang tropa, hinayaan ni coach Tim Cone ang kanyang deputies na gabayan ang koponan sa second half ng kanilang 91-85 loss sa Terrafirma noong Linggo.
Ang katanungan ay kung paano tutugon ang Kings sa pagsisimula ng kanilang kampanya sa final half ng elims.
Ang nilalaro ni Christian Standhardinger at ng kanyang teammates ay malayo sa kanilang porma noong nakaraang season kung saan nanalo sila ng isang championship at nagtala ng isang runner-up finish.
Aminado si Cone na hindi maganda ang nilalaro nila ngayon sa kawalan ng chemistry.
Kailangan nilang ayusin ito sa lalong madaling panahon.
Subalit nahaharap sila sa malaking balakid sa katauhan ng Blackwater na naglalaro ng quality basketball kahit sa kanilang pagkatalo..
Pinataob ni coach Jeff Cariaso at ng kanyang tropa ang Meralco (96-93), TNT (87-76) at Converge (90-78) bago natalo sa close games kontra NLEX (97-103), Terrafirma (91-92) at Rain or Shine (103-110).
Sa unang laro sa alas-4:30 ng hapon ay maghaharap ang Phoenix at Converge.
CLYDE MARIANO