KINGS, DRAGONS AGAWAN SA 2-1

Laro ngayon:
(Mall of Asia Arena)
5:45 p.m. – Ginebra vs Bay Area
Game 3, best-of-7 finals series

MAGBABALIK sa aksiyon ang Barangay Ginebra at Bay Area matapos ang isang linggong pahinga sa paglarga ng Game 3 ng PBA Commissioner’s Cup finals ngayon sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.

Nakapagpahinga nang husto, ang Kings at Dragons ay inaasahang mainit na magbabakbakan sa pag-aagawan sa 2-1 bentahe sa kanilang best-of-seven titular series.

Nakatakda ang salpukan sa alas-5:45 ng hapon, kung saan nangako ang Dragons na sasamantalahin ang momentum ng kanilang 99-82 panalo laban sa Gin Kings sa Game 2 noong Dec. 28 sa Smart Araneta Coliseum.

Samantala, mag-a-adjust naman ang Kings makaraang amining nawala sa pokus at naging kumpiyansa matapos ang kanilang 96-81 panalo sa series opener.

Patas na ang serye makaraang kunin ng Ginebra ang Game 1, at makaganti ang Dragons sa Game 2.

Ngayon ay babasagin nila ang pagtatabla at ang katanungan ay kung sino ang makakadomina.

Ang Dragons ay nakakawala sa depensa ng Kings sa Game 2, at naitala ang kanilang unang panalo sa kanilang tatlong face-offs sa kasalukuyan sa torneo.

Dinomina ng tropa ni coach Brian Goorjian ang rebounding at scoring at hinayaan si Andrew Nicholson na umalagwa habang dinepensahan ang Gin Kings gunners.

Aminado naman si coach Tim Cone na nagambala sila at nawala sa pokus.

“We didn’t have a whole lot of focus from the start I felt. They got everything they wanted, and we didn’t get anything that we wanted to do. They did a great job of disrupting us,” wika ng Ginebra mentor.

Tanging sina Justin Brownlee (32 points) at Jamie Malonzo (10) ang umiskor ng double figures, habang nabigo sina LA Tenorio, Scottie Thompson at Christian Standhardinger na maduplika ang kanilang ginawa sa Game 1.

Inamin ni Cone na nagawa ni Goorjian at ng kanyang tropa ang tamang adjustments.

Sinabi ni Goorjian na malaking bagay na nakakawala sila sa Ginebra at napigilan ang Kings sa pagkopo ng 2-0 lead.

“It’s definitely a motivation. I mean, losses mount up and you pretty much (wonder) are we going to beat this team?” ani Goorjian.

“All of these are positives. A lot of talk about young and learning and all of these. We’re here through that process to win this damn thing,” dagdag ng Australian mentor.

CLYDE MARIANO