KINGS, FIBERXERS AGAWAN SA 3RD SPOT

Mga laro ngayon:
(Philsports Arena)
3 p.m. – Meralco vs NLEX
5:45 p.m. – Converge vs Ginebra

MAG-AAGAWAN ang Barangay Ginebra at Converge sa ikatlong puwesto sa kanilang paghaharap sa penultimate play date ng PBA Commissioner’s Cup elimination round ngayong Miyerkoles sa PhilSports Arena.

Nakatakda ang kanilang salpukan sa alas-5:45 ng hapon, kung saan kapwa nila target ang 9-3 closing card sa single-round-robin elims.

Ang Kings at FiberXers ay may magkatulad na marka, subalit ang laban ay may mas malaking bearing para sa Ginebra na may outside chance pa rin na umakyat sa ikalawang puwesto sa likod ng Bay Area Dragons (10-2).

Subalit hindi ito magiging madali dahil ang Magnolia ay awtomatikong magtatapos sa No. 2 kapag tinalo nito ang Rain or Shine sa final play date ng elims sa Biyernes.

Mag-iiba ang direksiyon ng karera kapag tinalo ng Kings ang FiberXers at matalo ang Hotshots sa Elasto Painters, dahil magtatabla ang Ginebra at Magnolia sa 9-3.

Sa naturang scenario, kukunin ng Kings ang second seed sa bisa ng winner-over-the-other rule. Noong Oct. 23 ay namayani ang tropa ni Tim Cone sa Manila Clasico tiff, 103-97.

Determinado ang FiberXers na makabuo ng momentum papasok sa playoffs.

Sila ang pinakamainit na koponan sa torneo hanggang sa maputol ang kanilang streak nang hindi paglaruin ni coach Aldin Ayo si import Quincy Miller sa kanilang huling laro kontra NorthPort.

Pinatawan ni Ayo ng disciplinary action si Miller nang hindi mag-ensayo sa umaga matapos ang kanyang birthday celebration. Dahil dito ay nag-suffer ang buong koponan sa paglasap ng 112-97 loss sa Batang Pier.

Sa pagkatalo ay nasibak ang FiberXers sa karera para sa twice-to-beat incentive sa quarterfinals.

CLYDE MARIANO