UMABANTE ang Kings’ Montessori School sa quarterfinals makaraang sibakin ang paboritong University of Santo Tomas, 21-25, 25-19, 25-21, sa 2024 Shakey’s Girls Volleyball Invitational League (GVIL) kahapon sa Paco Arena.
Nalusutan ng Lady Vikings ang opening set loss upang maitala ang ikalawang panalo sa tatlong laro at samahan ang walang dungis sa Pool C na Bacolod Tay Tung (3-0) sa susunod na round.
Nanguna para sa Lady Vikings si Shahanna Lleses na may14 points, pawang galing sa kills habang nagdagdag si Shekaina Lleses ng 11 points.
Makakasagupa ng Lady Vikings ang Pool A top seed Bethel Academy sa quarterfinal ng premier grassroots volleyball tournament sa bansa na suportado ng Shakey’s Pizza Parlor, Eurotel, Victory Liner, Smart Sports, Mikasa, Team Rebel Sports, Data Project, Genius Sports at Robinsons Malls, ngayong Miyerkoles sa Adamson University Gym.
Pasok na rin sa quarterfinals ang Far Eastern University-Diliman matapos walisin ang Emilio Aguinaldo College, 25-13, 25-11, sa Pool B.
Muling sumandig ang Baby Tamaraws sa opensa ni Clarisse Loresco para sa 4-0 kartada.