KINGS NAWALA SA POKUS SA GAME 2

PINAGBAYARAN ng Barangay Ginebra ang pagiging wala sa pokus at pagkakaroon ng kaunting kumpiyansa sa Game 2, na nagresulta sa 99-82 pagkatalo sa Bay Area na nagtabla sa PBA Commissioner’s Cup title series sa 1-1 noong Miyerkoles ng gabi.

Ginawa ni coach Tim Cone ang pagtaya sa 17-point loss kung saan naitala ng Kings ang pinakamababang iskor sa isang finals magmula noong Game 3 ng Governors’ Cup noong nakaraang season kontra Meralco (83-74).

“We didn’t have a whole lot of focus from the start I felt. They got everything they wanted tonight, and we didn’t get anything that we wanted to do. They did a great job of disrupting (us),” pahayag ni Cone matapos ang laro.

Tanging sina import Justin Brownlee at sophomore Jamie Malonzo ang nagposte ng double figures sa scoring para sa Kings.

Nagbuhos si Brownlee ng 32 points sa 7-of-14 shooting mula sa three-point range, habang tumapos si Malonzo na may 10, subalit bumuslo lamang ng 4-of-10 mula sa field.

Nalimitahan si veteran guard LA Tenorio, na nagpasabog ng 22 points sa Game 1 win, sa 8 points lamang sa pagkakataong ito (3-of-11), at tumipa si Scottie Thompson ng 9 points makaraang magtala ng 14 points sa series opener.

“They made the proper adjustment (tonight). They really disrupted our offense and we couldn’t get to our spots,” pag-aamin ni Cone.

Kasabay nito, naniniwala ang Ginebra mentor na ang Kings ay nagkaroon ng kaunting kumpiyansa matapos ang Christmas Day win na ikalawang sunod na panalo ng Kings laban sa Hong Kong-based guest team mula pa sa eliminations.

“I think one thing that we learned tonight is that we just started to feel like we just showed up and win, and we can’t do that against this team that’s way, way, too good and too big, too athletic, and too well-coached,” dagdag ni Cone.

CLYDE MARIANO