KINGS PINUTOL ANG PLAYOFF DROUGHT

TINAPOS ng Sacramento Kings ang kanilang record-breaking 17-year NBA playoff drought nitong Miyerkoles.

Nakopo ng Sacramento, hindi pa umuusad sa playoffs magmula noong 2005-2006 season — ang pinakamahabang streak ng futility sa kasaysayan ng NBA — ang kanilang postseason berth sa 120-80 pagdurog sa Trail Blazers sa Portland.

Nanguna si Malik Monk sa scoring ng Kings na may 19 points habang apat na iba pang players ang gumawa ng double digits, kabilang si rookie Keegan Murray, na ang 13 points ay kinabilangan ng kanyang 188th three-pointer of the season — isang bagong NBA record para sa isang rookie.

Nagpahayag ng kasiyahan si Murray na sa wakas ay naputol ng Kings ang mahabang paghihintay para sa a playoff berth, 12 buwan makaraang tumapos sa 12th sa Western Conference na may 30-52 record.

“We’ve had really good teams throughout that 17 years and I think this one exemplifies all of them,” pahayag ni Murray sa ESPN. “It’s really cool to be on this team but we know we have a lot more to do.”

Ang Kings ay nasa third place sa West sa 46-30, sa likod ng Denver at Memphis.

Sa Phoenix, nagbalik si Kevin Durant mula sa injury upang tulungan ang Suns na kunin ang 107-100 panalo kontra Minnesota Timberwolves.

Tumapos si Durant na may 16 points sa pinakahihintay niyang home debut sa Phoenix, habang pinangunahan ni Devin Booker ang Suns scorers na may 29 points.