KINGS, ‘TROPA’ AGAWAN SA 3-2

Laro ngayon:
(Araneta Coliseum)
5:45 p.m. – Ginebra vs TNT

BABASAGIN ng Barangay Ginebra at TNT ang 2-2 pagtatabla sa PBA Governors’ Cup title series sa paglarga ng Game 5 ngayong Miyerkoles sa Araneta Coliseum.

Kukunin ng mananalo ang krusyal na 3-2 series lead at magkakaroon ng pagkakataong iuwi ang korona sa Game 6 sa Biyernes sa parehong venue.

Nakatakda ang laro sa alas-5:45 ng hapon kung saan ang dalawang koponan ay kapwa gigil na makadikit sa kampeonato.

Kapag napanatili ng tropa ni coach Tim Cone ang back-and-forth sequence, makababalik sila sa trangko, isang panalo na lamang para makamit ang three-peat feat sa season-ending tourney.

Subalit napatunayan na ng Tropang Giga ang pagiging malakas na challenger, at maaaring mas malakas pa dahil sa momentum at psychological edge na nasa kanilang panig papasok sa Game 5.

Sa kabila ng pagkaka-sideline ni RR Pogoy dahil sa fractured pinkie, ang Tropang Giga ay nag-init sa three-point range, nagpakawala ng league record 21 three-pointers — sa isang final game — tungo sa 116-104 pagdispatsa sa Gin Kings upang itabla ang series sa 2-2 noong Linggo.

Nagsimula ang lahat kay Rondae Hollis-Jefferson, ang conference Best Import na naging agresibo para sa TNT.

“We know that if Rondae is there as a screener and we have the proper spacing and we have shooters in the corner, we’re going to get shots. The problem with our last game was ang sama ng spacing namin,” sabi ni TNT coach Jojo Lastimosa.

Nagsalpak sina Jayson Castro (tumapos na may 17 points), Calvin Oftana (16), Mikey Williams (16) at Kib Montalbo (16) ng tig-4 na tres para suportahan si Hollis-Jefferson na humataw ng 36 points, 10 rebounds, 5 assists at 3 steals right matapos koronahan bilang best reinforcement ng conference.

CLYDE MARIANO