KINGS UNGOS SA BOSSING SA OT

SINUBUKANG UMAGAW ng bola si Tyrus Hill ng Terrafima laban kay Raymond Aguilar ng Ginebra sa PBA on tour sa Ynares, Pasig City. Kuha ni RUDY ESPERAS

 

Mga laro bukas:
(Ynares Arena-Pasig)
5 p.m. – Terrafirma vs Phoenix
7:30 p.m. – Magnolia vs NorthPort

TINAPOS ni Sydney Onwubere ang kanyang sinimulan, na naging tuntungan ng Barangay Ginebra upang maitakas ang 81-80 overtime cliffhanger laban sa Blackwater sa PBA On Tour nitong Miyerkoles sa Ynares Arena sa Pasig City.

Ang putback ni Onwubere mula sa mintis ni Nards Pinto ang naging decisive basket dahil binigyan nito ang Gin Kings ng one-point lead na napangalagaan nila nang mabigo ang Bossing na maisagawa ang winning play.

Ang pagmintis ni Tyrus Hill sa free throws sa huling 0.5 segundo ang nagselyo sa Blackwater breakdown at nagpreserba sa 25-point, 11-rebound performance ni Onwubere na nagsimula nang umiskor siya ng 19 points sa first half.

Para sa 29-year-old Fil-Nigerian, sinamantala lamang niya ang pagkakataon na makapagpakitang-gilas sa pagkawala ng ilang Ginebra stalwarts tulad nina Christian Standhardinger, Japeth Aguilar at Stanley Pringle.

“We feel really blessed, na mabigyan ng pagkakataon to play. Kasi this is our chance na makapagpakita and of course para mahasa din ‘yung talent namin,” sabi ni Onwubere, na pumasok sa laro na may average lamang na 3.0 points.

“Ang sinasabi lang sa amin ni coach Richard (del Rosario), dapat i-take namin itong opportunity na ito. Huwag naming tingnan na wala ‘yung veterans namin, na ito ‘yung pagkakataon namin,” dagdag ni Onwubere.
“So he’s really pushing us to have confidence.”

Ang isa pang Gin King na sinamantala ang pagkakataon at tinulungan silang maiangat ang kanilang record sa 2-3 ay si Jeremiah Gray, na tumapos na may 22 points, 8 rebounds, 5 assists at 2 steals.

Tumipa si Pinto, naitabla ang talaan sa 77-all at naipuwersa ang OT, ng 13 points at 5 assists.

Nanguna si James Sena na may 18 points habang nagdagdag si Troy Rosario ng 12 points at 11 rebounds para sa Blackwater, na nahulog sa 3-3 katabla ang walang larong Terrafirma.

-CLYDE MARIANO