BAGAMA’T pilay dahil sa injury ng kanilang key players, ang TnT Tropang Giga ay nananatiling isang mapanganib na koponan.
Ito’y dahil kay Roger Pogoy na tiyak na magsisilbing tinik sa Barangay Ginebra sa kanilang pagtatangkang tapusin ang PBA Philippine Cup Finals sa Miyerkoles.
Tinukoy ni veteran guard LA Tenorio si Pogoy bilang ‘difference maker’ para sa TnT makaraang pangunahan ang fourth quarter rally sa Game 4 na kinapos lamang sa huli upang kunin ng Kings ang 98-88 panalo.
Ayon kay Tenorio, bagama’t angat sila sa 3-1 sa best-of-seven series ay wala silang planong magkumpiyansa dahil sa presensiya ni Pogoy.
“We have to do something about him. Grabe ang nilalaro niya,” sabi ni Tenorio patungkol sa 28-year-old TnT gunner.
“He’s playing on above level na talaga. So we have to see that also.”
Sisikapin ng Kings na tapusin ang serye sa Miyerkoles laban sa TnT side na napilay sa pagkawala nina starters Ray Parks at Jayson Castro.
Si Parks ay ‘out’ sa series magmula pa sa Game 2 dahil sa strained left calf, habang lumala ang knee injury ni Castro dahil sa bone spurs sa kaagahan ng third quarter sa Game 4.
Sa kanilang pagkawala ay si Pogoy ang namuno sa scoring ng Tropang Giga kung saan humataw siya ng 16 points sa fourth quarter sa kanilang huling laro.
Tumapos siya na may game-high 34 points, tampok ang apat na tres.
Ang ipinakita ni Pogoy ay labis na hinangaan ni Tenorio.
“I have to commend Roger. Grabe, sobrang galing niya,” sabi ng Ginebra court leader.
Dahil dito ay sinabi ni Tenorio na hindi dapat magkumpiyansa ang Kings na makukuha na nila ang kampeonato.
“We can’t afford to be parang complacemt especially going to the next game,” anang Ginebra guard.
“I’m sure they’re going to find a way to win this next few games. And we have to ready for that.” CLYDE MARIANO
Comments are closed.