BATANGAS- NAKALIGTAS sa kamay ng mga kidnapper ang isang chinese national na babae nang makatulog sa kalasingan ang bantay nito sa isang eksklusibong subdivision sa Batangas City kahapon ng madaling araw.
Ayon sa inisyal na report ng Batangas City Police Office, ang biktima ay nakilalang si Hu Shao Yi, 28-anyos at empleyado ng isang chinese firm sa Angeles City.
Sa pahayag ni Lt.Col. Dwight Fonte, chief of police ng Batangas City PNP, ang biktima ay kinidnap umano ng limang armadong lalaki noong Setyember 16 at idiniretso sa isang subdivision sa nasabing lungsod.
Sinabi pa ni Fonte, 20 araw na ikinulong ang biktima sa isang stainless na hawla na nagsilbing tulugan at paliguan nito habang nakikipagnegosasyon ang mga kidnaper sa pamilya nito sa China.
Ayon sa salaysay ng kinidnap na chinese, P200,000 ang hinihinging ransom ng mga kidnaper kapalit ng kanyang kalayaan.
Nakakuha umano ng pagkakataon makalusot si Yin nang makaligtaan ikandado ng bantay ang kanyang kulungan dahil sa kalasingan.
Mabilis umano siyang nakatakbo hanggang sa makakita siya ng isang convenient store at doon humingi ng tulong.
Nagkataon na nagpapatrulya ang mga pulis at agad na binigyan ng police assistance ang biktima.
Ayon kay Fonte may pagkakakilanlan na umano ang mga pulis kung sino ang nasa likod ng pagkidnap sa chinese national. ARMAN CAMBE