PINAG-AARALAN ng Land Transportation Office (LTO) ang paghahain ng kasong kriminal laban sa operators at drivers ng illegal public utility at school service vehicles sa pinaigting na crackdown nito sa ilegal na gawain.
Ayon kay LTO chief Vigor Mendoza II, ang pinaigting na kampanya ng ahensiya ay alinsunod sa kautusan ni Transportation Secretary Jaime Bautista sa harap ng madalas na reklamo ng legitimate PUV operators.
“Dati hindi kami nagfa-file ng criminal action regarding colorum vehicles. Now we’re looking at the possibility of filing criminal actions against operators, drivers who continue to use their vehicles illegally,” pahayag niya sa CNN Philippines.
Binigyang-diin ni Mendoza na inilalagay ng illegal operations sa panganib ang mga pasahero dahil hindi dumaan sa pagsusuri ang mga sasakyan.
Sinabi pa niya na ang pagpigil sa illegal PUVs sa mga lansangan ay makatutulong upang mapataas ang kita ng licensed operators dahil madadagdagan ang kanilang mga pasahero.
Ayon kay Mendoza, kinakain ng illegal PUVs ang hanggang 1/5 ng daily income ng mga lehitimong operator.
“It can cushion them, especially in these times of high fuel prices. If we can augment their income by apprehending these illegal activities then we can help the general public also by cushioning any possible fare increase. Maybe there may not be a need to go for a fare increase if we can really bring up the level of income of our legitimate public transport operators,” paliwanag niya.