OPISYAL ng nanungkulan kahapon si Lt. Gen. Rozzano Briguez bilang bagong pinuno ng Philippine Air Force matapos na hirangin ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte kapalit ni Lt. Gen. Galileo Kintanar Jr. na nagretiro na sa puwesto.
Si Kintanar ay sinasabing pinaaga ang pagreretiro upang umano mabigyang daan ang mga batang opisyal sa Hukbong Himpapawid.
Gayunpaman, agad na itinalaga ni Pangulong Duterte si Kintanar sa Philippine Coconut Authority na matagal na umanong nababalutan ng korupsiyon.
Kamakalawa ng hapon sa Villamor Air Base ay pinangunahan ni Pangulong Duterte ang change of command ceremony para opisyal namang iluklok si Briguez bilang PAF chief.
Napag-alaman na si Briguez ay naging pinuno ng unit na naka-assign na nangangasiwa sa claim ng Filipinas sa West Philippine Sea at kasapi ng Philippine Military Academy “Sinagtala Class of 1986”.
Sa Enero 17, 2020 maaabot ni Briguez ang mandatory retirement age na 56.
Samantala, mismong si Pangulong Duterte ang nagpahayag na itatalaga niya si Kintanar bilang pinuno ng PCA sa kanyang mensahe sa ginanap na change of command ceremony ng Philippine Air Force.
Kasabay nito, hiniling ni Pangulong Duterte ang pagbibitiw sa puwesto ng lahat ng board member ng PCA para mabigyang pagkakataon ang reorganization sa ahensya. VERLIN RUIZ
Comments are closed.