KINTSUGI KUNG TAWAGIN SA HAPON

Kintsugi kung tawagin sa Hapon
(O di kaya nama’y kintsukuroi)
Ang sining na siyang nagtutuon
Ng panahon at pagkakataong

Pangalawa sa lahat ng sira
Basag o wasak o may pinsala
Pagkat sila ay naniniwala
Sa Mahayana’t Zen na tiwala

Sa mga konsepto ng pagtanggap
At kontemplasyon na hindi ganap
O kulang at may depekto ang lahat
Kaya karapat-dapat ang lunas.

Sa halip na ating ibasura
Ang bagay na may diperensiya,
Binibigyan pa ito ng tsansang
Mabuo o maayos minsan pa.

Muling kinukumpuni ang mangkok
At iba pang uri ng palayok
Sa pamamagitan ng pagpulot
Sa mga pirasong lasog-lasog.

Makaraang ipuni’t tipunin
Ang mga ito’y pagdidikitin.
Bawat lamat ay di ililihim
Ayon sa pilosopiyang mushin.

Patitingkarin ito ng ginto,
Pilak, o platinong pinaghalo.
Dahil sa ayaw nilang itago
Ang kahit na anong pagkabigo!

Iniiwasan nilang kumabit
Tayo palagi sa mga gamit.
Kumapit sa kapalarang salik
Nitong buhay na paulit-ulit.