KINUMPIRMA ng Department of Agriculture (DA) na nakapasok na ang bird flu, isang uri ng highly-pathogenic avian influenza, sa Nueva Ecija.
Sa isang press conference, sinabi ni Agriculture Secretary William Dar na naitala ang kaso sa isang quail farm sa Jaen, Nueva Ecija kung saan 1,500 quails o ibong nangingitlog ng pugo ang namatay.
Bunsod nito, agad inilikas o pina-depopulate ang 12,000 quails upang hindi mahawaan ng bird flu.
Nananatili namang negatibo sa naturang sakit ang mga kalapit na poultry farm ng apektadong pasilidad sa nabanggit na probinsiya.
Napag-alaman kay DA veterinarian Dr. Arlene Vytiaco na delikadong magkaroon ng contact sa dumi at pawis ng infected na ibon dahil posibleng ma-transmit ang nasabing virus.
Ayon sa DA chief, may posibilidad na makahawa ang naturang sakit maging sa tao, subalit napakanipis, aniya, ng tiyansa nito.
Katunayan, wala aniyang namatay sa apat na napaulat na kaso ng human transmission nito sa China habang nangako naman ang kalihim na gagamitin ang quick response fund ng ahensiya para labanan ang nakahahawang bird flu. BENEDICT ABAYGAR, JR.
Comments are closed.