(Kinumpirma ng DA) PESTICIDES SA SMUGGLED VEGGIES SA NAVOTAS

POSITIBO sa pesticides, heavy metals, at microbiological contaminants ang mga nakumpiskang smuggled na gulay sa isang warehouse sa Navotas noong Agosto, ayon sa Department of Agriculture (DA).

Ito ang nakasaad sa report na isinumite kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. ni Bureau of Plant Industry (BPI) Director Gerald Glenn Panganiban.

Ayon kay Panganiban, batay sa resulta ng mga pagsusuri sa nasamsam na mga sibuyas, kamatis, at carrots mula sa pansamantalang cold storage facility ay nagpakita ang mga ito ng pagkakaroon ng organophosphates, organochlorines, at pyrethroids, na mga pesticides na makasasama sa kalusugan ng mga tao. Mayroon din, aniya, itong cadmium at lead na delikado sa kalusugan ng publiko. Bukod dito ay natuklasan ding positibo ang mga ito sa microbiological contaminants na tulad ng E. Coli na matatagpuan sa dumi ng tao, Listeria monocytogenes, at Salmonella spp na mga bacteria.

“The food safety analysis confirms that the allegedly smuggled agricultural crops contain pesticide residues, heavy metals, and microbiological contaminants that do not comply with our food safety regulations,” nakasaad sa ulat ni Panganiban.

Ayon kay Laurel, ang naturang mga kontaminadong gulay ay idi-dispose, hindi maaaring kainin, ibenta o i-donate base sa resulta ng test na isinagawa ng BPI.

“We cannot risk the health of Filipino consumers. The DA legal team will determine legal actions that can be taken against these unscrupulous traders who not only evaded tariffs but also endangered consumer health,” sabi pa ni Laurel.
Ma. Luisa Macabuhay-Garcia