KUMPIRMADONG diphtheria ang naging sanhi ng pagkamatay ng isang 10-taong gulang na batang babae sa Maynila noong Biyernes, Setyembre 20.
Pahayag ni Department of Health (DOH) Undersecretary at Spokesman Eric Domingo, lumitaw sa isinagawa nilang pagsusuri na diphtheria nga ang ikinamatay ng pasyenteng si Stephanie Tobias.
Base sa report ng Manila Health Department (MHD), isinugod ang biktima sa pagamutan noong Setyembre 20 dahil sa tatlong araw na itong may lagnat, sore throat, mouth sore at nahihirapang huminga, ngunit namatay na rin kinagabihan.
Binigyan naman kaagad ng mga health official ng prophylaxis ang mga kasama sa bahay ng bata at mga kapitbahay para makaiwas na mahawa ng sakit.
Maging ang mga estudyante at ang Zamora Elementary School ay dinisinfect na rin.
Inatasan naman ni Manila Mayor Isko Moreno ang MHD na bigyan ng immunization ang mga batang dalawang taon pababa at tetanus diphtheria naman para sa dalawang taon pataas.
Samantala, hinikayat ni Domingo ang mga magulang na kumpletuhin ang bakuna ng kanilang mga anak upang makaiwas sa diphtheria at iba pang karamdaman, na maaaring magdulot ng kamatayan.
Bukod sa polio, isasama na rin ng DOH sa kanilang “Back to Bakuna, Una sa Lahat ang Bakuna” campaign ang bakuna para sa sakit na diphtheria.
Ayon sa DOH, dapat na protektahan ang mga sanggol at mga bata mula sa mga vaccine preventable diseases, gaya ng diphtheria, pertussis (o whooping cough), at tetanus, sa pamamagitan ng immunization.
Ang mga kaso ng diphtheria at iba pang infectious diseases ay regular nang mino-monitor ng Epidemiology Bureau.
Nabatid na mula Enero 2019 hanggang Setyembre 2019 ay mayroong 167 kaso ng diphtheria at 40 sa mga ito ang namatay. Mas mataas ito kumpara sa naitalang 122 kaso at 30 patay sa kahalintulad na petsa noong 2018.
Masusi namang iniimbestigahan ng DOH ang dahilan ng pagdami ng sakit.
Tiniyak ng DOH na ang anti-toxin para sa diphtheria ay available sa bansa, sa pamamagitan ng tulong ng World Health Organization (WHO).
Ang antibiotics naman para sa diphtheria, gaya ng penicillin, erythromycin, clarithromycin, at azithromycin, ay locally at commercially available rin.
“Now more than ever, the importance of protecting our infants and children from vaccine-preventable diseases remains paramount,” anang DOH.
Nanawagan ang DOH sa local chief executives, local government health workers, at iba pang health professionals, at civil society groups na magtulungan upang matiyak na bawat bata ay mabibigyan ng bakuna sa takdang panahon. ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.