KINUPIT NA EBIDENSIYANG SHABU PINAIIMBESTIGAHAN

IPINAG-UTOS ni Philippine National Police (PNP) Chief Gen. Rodolfo Azurin Jr. na alamin ang pagkakasangkot ng ilang mga opisyal sa nasabat na 990 kilos ng shabu sa Maynila nitong Oktubre 8.

Ito ay makaraang mapaulat na unti-unting nababawasan ang shabu na nakumpiska kay Sgt. Rodolfo Mayo makaraang madiskubre na may nangungupit ng droga na umabot na sa 42 kilos ang nakukuha.

Ayon kay General Azurin , may mga pangalan na silang nakuha na iniuugnay sa kalakaran ng iligal na droga at isa rito ito ay isang heneral na kasalukuyang nasa “floating status” umano.

Hindi naman kinilala ng heneral ang nasabing opisyal dahil wala pang sapat na ebidensiyang magdidiin dito sa iligal na droga.

Maliban sa heneral, may dalawa pang pulis na iniimbestigahan dahil umano sa pagre-recycle ng iligal na droga na nakumpiska sa operasyon na tinatayang aabot sa P258 milyon.

Matatandaang na umaabot sa P6.7 bilyon ang halaga ng shabu na nasabat kay Mayo na aktibong intelligence officer ng PNP Drug Enforcement Group. VERLIN RUIZ