NOONG 25 Agosto 2009, may proyektong Pitik-Bulag: Letra at Liwanag (A Celebration of Contemporary Filipino Arts and Poetry) ang Museo ng Sining ng Government Service Insurance System.
Ang dating presidente ng GSIS na si Winston Garcia – na naging kontrobersiyal makaraang bilhin ng GSIS ang 110-taong gulang na Parisian Life ni Juan Luna sa halagang P46 milyon — ang nagbukas ng eksibit kasama ni Pambansang Alagad ng Sining Virgilio Almario, katuwang na editor at tagasalin na si Marne Kilates, at curator na si Ryan Palad.
Bidang-bida ang mga pintor na sina Leonardo Aguinaldo, Virgilio Aviado, Manuel Baldemor, Elmer Borlongan, Salvador Ching, Charlie Co, Edgar Talusan Fernandez, Jose John Santos III at Steve Santos na ipininta ang tula nina Rebecca Añonuevo, Roberto Añonuevo, Teo Antonio, Mesandel Arguelles, Romulo Baquiran Jr., Michael Coroza, Jerry Gracio, Fidel Rillo at Edgar Samar, at inyong abang lingkod.
Déjà vu ang naganap sa sining biswal nina Aviado, Baldemor, Ching, Fernandez, at sa panitikan namin nina Coroza, Rillo at Samar nang muli kaming mapabilang sa Kislap-Diwa: 12 Pagtatagpo ng Gunita sa Pamánang Pambansa.
Bilang selebrasyon ng Buwan ng Pambansang Pamana, inumpisahan uli ni Rio Alma ang ganitong konsepto kaya siya ang namuno sa pagsusuroy-suroy sa National Museum (NM) noong 22 Mayo.
Doon at noon kami nagdesisyon kung anong relikiya ang aming ipipinta at/o itutula – pagkatapos ng nakakatulong na panayam ni Dr. Felipe de Leon Jr..
Nagkasundo kami ni Toym Imao sa sundok; sina Aldrin Pentero at Kora Dandan sa laga; sina RR Cagalingan at Fernandez sa banig; sina Noel del Prado at Baldemor sa sarimanok; sina Coroza at Ching sa banga ng Calatagan; sina Rillo at Aviado sa masuso; sina Samar at Alfredo Esquillo sa binatbat na tanso ng Laguna; sina Nick Pichay at Fil de la Cruz sa artepaktong Manobo; sina Joti Tabula at Emmanuel Garibay sa kinabigat; sina Agatha Palencia Bagares at Celeste Lecaroz sa t’nalak; sina Mikael de la Co at Paul Eric Roca sa burqa; at sina Enrique Villasis at Mark Justiniani sa kulintang.
Pagkaraan ng apat na buwan, nagkaroon na nga ng eksibit ng pintura’t panulaan noong 12 Agosto na ika-122 anibersaryo ng NM.
Tampok si Sen. Loren Legarda na nagpasalamat kina Oscar Casaysay at Victorino Manalo ng National Commission for Culture and the Arts (NCCA), Emmanuel Calairo ng National Historical Commission of the Philippines, at Jeremy Barns sa pagtupad sa pangarap niyang Hibla Gallery at Baybayin Gallery sa NM noong 2013.
Binigyang-diin niya – makaraang buklurin nila ni Rio Alma ang NM, NCCA, Linangan sa Imahen, Retorika, at Anyo (LIRA) at Unyon ng Manunulat sa Pilipinas (UMPIL) — na isasagawa ang Kislap-
Diwa tuwing 12 Agosto bilang pagdiriwang na rin ang Buwan ng Kasaysayan at Buwan ng Wika.
Binati niya ang nagdala ng dangal sa bansa sa La Biennale di Venezia noong 2019 para sa proyekto niyang Island Weather – pero alam naming si Justiniani iyon.
Binanggit niyang sa Frankfurt Book Fair ang Filipinas ang Guest of Honor sa 2025.
Kaya tahimik kaming lahat sa pananalanging sana ilimbag bilang coffetable book ang Kislap-Diwa.
Parang Pitik-Bulag.