KIT THOMPSON INARESTO NG PANANAKIT SA DYOWA

CAVITE – NAGHIHIMAS ng rehas na bakal sa police detention facility ang 25-anyos na actor/model makaraang ireklamo ng kanyang dyowang actress ng pananakit sa loob ng hotel sa Brgy. Silang Crossing East sa Tagaytay City kamakakawa ng hapon.

Nahaharap sa kasong paglabag sa RA9262 (Violence Against Women and Children) ang akusadong si Kit “Kieth” Thompson na Filipino-New Zealander at sinasabing dating kalahok sa PBB.

Naisugod naman sa Tagaytay Medical Center ang nagreklamong aktres na si Ana Jalandoni na nagtamo ng mga pasa at sugat sa katawan dahil sa pananakit ng kanyang boyfriend na si Thompson.

Sa inisyal na police report, lumilitaw na nakatanggap sa telepono ang police station mula sa sinasabing ilang staff ng Amega Hotel kaugnay sa nagaganap na komosyon sa loob ng kuwarto ng dalawa.

Napag-alaman din na nakapag-text na rin sa ilang kaibigan si Jalandoni kung saan humihingi ito ng tulong kaugnay sa ginawang pananakit sa kanya ni Thompson.

Kaagad na rumesponde ang mga operatiba ng pulisya sa nasabing hotel kung saan inabutan ang biktima na nanghihina at hindi halos makahinga sa loob ng tinutuluyang hotel.

Kasabay nito, inimbitahan ng pulisya si Thompson upang magpaliwanag kaugnay sa reklamo ng biktima na kasaluku­yang nagoapagaling sa nabanggit na pagamutan. MARIO BASCO