NAUNGUSAN ng Bureau of Customs (BOC) ang target collection nito para sa buwan ng Hulyo kung saan pumalo ito sa P52 bilyon.
Ayon kay BOC Commissioner Isidro Lapeña, naging maganda ang resulta ng pinaigting na kampanya nito laban sa smuggling kung saan anim na sunod-sunod na buwan nitong nalagpasan ang target collections na mag-aambag ng malaki sa kita ng pamahalaan.
Batay sa inilabas na datos ng BOC, 15 sa 17 pantalan ang nahigitan ang kanilang July target collection na pumalo sa kabuuang P52 billion, habang ang kanilang target ay P50.07 bilyon lamang.
Lumalabas pa sa pagtatala ng BOC, nagkaroon ng paglago ang nasabing kita ng Customs ng 48.7 porsiyento kompara noong Hulyo 2017 na kumita lamang ng P34.99 billion.
Ang patuloy na pagtaas ng kita ng BOC ay dahil sa mas pinalakas na revenue collection performance ng mga pantalan.
Ilan sa top 5 performing na mga pantalan ay ang Port of Batangas na nakakolekta ng P13.390 billion, na may pagtaas na 15.5% o P1.798 billion; Port of Manila na may P7.686 billion, tumaas ng 2% o P159 million; P3.908 billion naman ang nakolekta ng Port of Limay, na umakyat ng 28.2% o P861 million.
Kabilang din dito ang Port of NAIA na may koleksiyon na aabot sa P3.347 billion, at may pagtaas na 1.7% o P57 million; Port of Cebu na may P2.465 billion, o pagtaas na 9.2% o P209 million; habang kapos naman ang Manila International Container Port na makuha ang target collection na P15.439 billion dahil nakakolekta lang ito ng P14.224 billion.
Gayundin ang sinapit ng Subic port na nakakolekta lang ng P1.601 billion kompara sa target na P1.802 billion.
Samantala, umaasa si Lapeña na magtutuloy-tuloy ang magandang kita ng Aduana at iba pang ports nito at mahihigitan ang kanilang 2018 target collection. PAUL ROLDAN
Comments are closed.