IPINAGMALAKI ng Department of Finance (DOF) na tumaas ng 13.6 porsiyento ang kita ng bansa sa first quarter ng taon dahil sa Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law.
Sa pagdinig para sa panukalang P3.757 trillion na pambansang pondo sa susunod na taon, sinabi ni Finance Sec. Carlos Dominguez na ang pagtaas ng revenue ng bansa ay bunsod ng pagsipa ng nakokolektang buwis dahil na rin sa mga repormang ipinatutupad ng administrasyong Duterte.
Ayon kay Dominguez, malaki ang naitulong ng TRAIN Law para sa patuloy na pag-ibayo ng koleksiyon ng buwis sa bansa.
Sinabi pa ng kalihim na tumaas ang kita ng bansa na umabot sa P33.7 billion dahil sa pagpapatupad ng TRAIN Law.
Dahil dito, umangat ang nakokolektang buwis ng pamahalaan ng 17 porsiyento na mas mataas sa target ng gobyerno na 3 porsiyento.
Tumaas din ng 20 porsiyento ang sin tax collection sa P1.1 trillion, na mas malaki sa P193 billion noong 2016.
Bukod dito, tumaas din ang revenue collection ng Bureau of Customs (BOC) na umabot sa 33 porsiyento habang ang ibang non-tax revenues ay umangat ng 45 porsiyento sa unang kalahati ng taon. CONDE BATAC
Comments are closed.