KITA SA COCONUT OIL EXPORTS BUMABA

COCONUT-OIL

BUMABA ang kita ng bansa sa coconut oil (CNO) exports mula Enero hanggang Abril 2018 ng 39.2 percent sa $383.046 million.

Ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA), ito ay dahil sa patuloy na pagbagsak ng presyo ng vegetable oil sa pandaigdigang merkado.

Sa pinakabagong trade report ng PSA, ang export receipt ng bansa mula sa CNO sa four-month period ay mas mababa ng $247.002 million sa $630.048 million na naitala sa January-to-April period ng 2017.

Sa buwan pa lamang ng Abril, ang halaga ng CNO exports ay bumaba ng halos 24 percent sa $79.69 million mula sa $104.728 million na naitala sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.

Sa price monitoring report ng World Bank, ang average price ng CNO sa  January-to-April period ay bumaba ng  26 percent sa $1,228 per metric ton (MT) mula sa $1,659 per MT average quotation na naitala sa kahalintulad na panahon noong nakaraang taon.

Sa monthly basis, ang average quotation ng coconut oil noong Abril ay uma­bot sa $1,138 per MT,  nakabawi mula sa 28-month low na $1,124 per MT na naitala noong Marso.

Gayunman, ang average price ng coconut oil noong Abril ay halos 28 porsiyentong mas mababa sa $1,580 per MT quotation na naiposte sa kaparehong buwan ng 2017. JASPER ARCALAS

Comments are closed.