SUMIRIT ang kita ng pamahalaan mula sa Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) law ngayong taon, ayon sa datos na ipinalabas ng Department of Finance (DOF).
Ang unang tax reform package ay nakalikom ng ₱55.6 billion mula Enero hanggang Hunyo, mas mataas ng 65 percent kumpara sa 33.7 billion na naitala sa kaparehong panahon noong 2018.
Ayon sa DOF, nahigitan din nito ang ₱52.1-billion target na itinakda sa first semester.
Ang Republic Act 10963, o ang TRAIN law, ay nagkabisa noong Enero 1, 2018. Pinababa nito ang income tax rates para sa low- and middle-income earners at itinaas ang buwis ng mga milyonaryo.
Sa ilalim ng batas ay tumaas din ang mga buwis sa fuel, sugary drinks, cars, cosmetic procedures at iba pang consumer goods.
Sa budget presentation ng DOF sa Senado kahapon ay sinabi ni Secretary Carlos Dominguez III na dumoble ang koleksiyon ng Bureau of Customs (BOC) sa ₱41.8 billion mula sa ₱19.3 billion noong nakaraang taon.
Samantala, nakakolekta ang Bureau of Internal Revenue ng ₱13.8 billion, mas mababa sa ₱14.4-billion tax haul noong nakaraang taon. Nahigitan ng dalawang ahensiya ang kanilang collection targets na ₱40.1 billion at ₱12 billion, ayon sa pagka-kasunod.
Ang TRAIN collections noong 2018 ay umabot sa ₱68.4-B.
Comments are closed.