KITAKITS SA METAVERSE!

ANG “meta” ay isang salitang may ilang kahulugan. Isa sa maaaring ibig sabihin nito ay “pagkatapos” (after) o “sa kabila ng” (beyond).

Maaari ring kahulugan ay ang “pagkakaroon ng kamalayan tungkol sa sarili”. Ang salitang “metaverse” ay maaaring tumukoy sa isang virtual world, o “mundo sa kabila ng reyalidad” kung saan ang tao o kanilang representasyon (avatar) ay maaaring magsama-sama upang makisalamuha, makipaglaro, at magtrabaho kasama ang iba.

Nito lamang ika-29 ng Oktubre, ibinalita ni Mark Zuckerberg, CEO ng Facebook, na ang kanyang kompanya ay sasailalim sa isang rebranding at tatawagin nang “Meta”. Ito umano ay ang susunod na kabanata para sa internet, ayon mismo kay Zuckerberg. Sa ngayon ay isa pa lamang itong plano ngunit ang malalaking tech companies kagaya ng Facebook ay namumuhunan ng malaki upang mabuo ang virtual world na ito.

Noong Enero ng nakaraang taon, nagsulat si Matthew Ball (matthewball.vc) tungkol sa pagbili ng Facebook ng Oculus VR at ng Horizon virtual world, kasama na ang pagkakaroon ng maraming proyektong kagaya ng AR glasses at brain-to-machine interface and communication—bilang paghahanda sa paglikha nga ng metaverse. Pero kahit si Ball mismo ay nagsabing ilang dekada pa ang aabutin bago tuluyang mabuo ang teknolohiyang meta. Dahil sa anunsiyo ni Zuckerberg, maaaring mas mapabilis ang lahat kaysa sa inaasahan.

May tatlong aspeto umano ang metaverse: presence, interoperability, at standardization.

Ang presence ay may kinalaman sa pakiramdam na totoong naroon ka sa iyong kinalalagyang virtual space kasama ang iba pang virtual characters. Ang interoperability naman ay may kinalaman sa kakayahang magpalipat-lipat o magpunta sa iba’t-ibang virtual spaces. Ang standardization ay nagbibigay-daan sa interoperability sa pamamagitan ng pagkakaroon ng mga pamantayan upang maging posible at mabilis ang malawakang pagyakap sa teknolohiyang ito.
(Itutuloy)