(Pagpapatuloy)
ASAHAN na nating maaapektuhan ng pagbabagong ito ang ating lipunan at ekonomiya. Apektado ang pakikisalamuha natin sa iba, ang pamumuno ng mga lider, ang pag-unlad ng kultura, at iba pa. Para sa mga negosyo, napakaraming bagong oportunidad ang magbubukas dahil sa metaverse. Marami ring posibilidad sa usapin ng paglikha ng bagong merkado, inobasyon, at paraan ng pakikipag-ugnayan.
Dahil sa metaverse, magkakaroon ng pagkakataon ang mga tao na magsagawa rito ng mga aktibidad na may kinalaman sa pananalapi o ekonomiya na parang nasa pisikal na mundo lamang ang lahat. Kabilang sa mga halimbawa ay ang pamimili, pag-iinvest, trading, at iba pa. Marami na ngayon ang nagsisimulang gumamit ng non-fungible tokens (NFTs) bilang kasangkapan sa paglikha ng halaga ng isang bagay (value creation). Isa rin itong paraan upang mapabilis ang pagyakap ng sangkatauhan sa makabagong virtual worlds.
Ang mga eksperto sa teknolohiya ay kasalukuyan ding gumagawa ng mga paraan upang magamit nang husto ang kakayahan ng mga smartphones, 5G networks, augmented reality, virtual currencies kagaya ng bitcoin, at social networks kagaya ng IG, Facebook, atbp. upang palaguin ang mga negosyo at tugunan ang ilang mga isyu ng lipunan.
Ngunit hindi naman natin kailangang sumampa kaagad sa metaverse bandwagon, pero mahalaga pa ring maghanda. Kailangang suriin ng bawat organisasyon kung paano nito ginagamit ang digital technology sa kasalukuyan. Magandang simula na ito.
Ayon sa CEO ng Microsoft na si Satya Nadella, hindi lamang kailangang gamitin ng bawat organisasyon ang pinakabagong teknolohiya. Aniya, mas mahalagang bumuo sila ng sariling teknolohiya dahil kung hindi ay maaari umanong mapag-iwanan yaong mga hindi makakasabay.