BINISITA ng Kitchen of the World kamakailan ang lalawigan ng Quezon sa pangunguna ni Chef Reggie Aspiras.
Kasama ang mahigit 30 turista, sinalubong ni Maria Cristina Decal, Board of Director ng “Kulinarya Tagala”.
Tatlong bayan ang binisita ng mga turista kabilang ang Sariaya, Lucban at Lungsod ng Tayabas.
Una nilang pinuntahan ang Baysa-Villoso Ancestral House sa bayan ng Sariaya at sinundan ng Gala-Rodriguez upang libutin ang ganda ng mga sinaunang bahay sa nasabing bayan.
Matapos mag-ikot ay nagtungo rin sila sa simbahan ng Diocesan Shrine of Sto. Cristo de Burgos sa paghingi ng gabay habang sila ay naglalakbay sa lalawigan.
Sa paglipas ng mga oras ay nakarating din ang mga ito sa Lungsod ng Tayabas kung saan ay bumungad sa kanila ang street dance ng mga kabataang Tayabasin at ang masayang paghahagis ng suman ni Mayor Lovely Reynoso.
Ipinakilala ni Reynoso ang yaman ng agrikultura at nagsasarapang produkto na mayroon ang Lungsod.
Dito rin ay naengganyong bumili ng mga pasalubong ang mga turista gaya ng Rodillas, Mallari Lambanog, Villadiegos at iba pa.
Ang panghuling destinasyon ng mga ito ay ang Bayan ng Lucban kung saan una nilang pinuntahan ang Insular Flower Farm at namangha sa ganda ng mga halaman at klima na mayroon ang bayan.
Ang huli ay Tan-Aw Banahaw, dito ay mas sumaya ang mga bisita sa hinandang mga palaro gaya ng Basag palayok at Maria Went to town.
Nasaksihan din nila ang mga demonstrasyon ng pagluluto at paggawa ng Kiping, Longganisa at Pansit Lucban o mas kilalang Pansit Habhab sa pangunguna ni Chef Arens Ranola.
Tinapos ang nasabing Tour sa Tagayan Ritwal kasama ang mga Ambassador ng Tourism.
Ang tangera ay nagsalita ng “Naay Po” at sasagutin ito ng “Pakinabangan Po” na nagsilbing mainit na pagsalubong ng lalawigan ng Quezon sa mga turista.
RUBEN FUENTES