KLASE ITITIGIL SA DENGUE

KLASE-DENGUE

KINUMPIRMA ni Health Secretary Francisco Duque III na kinokonsidera nila ang panukala ng isang mambabatas na suspendihin ang klase sa mga lugar na may dengue outbreak.

Ayon kay Duque, hangga’t maaari ay ayaw nilang magambala ang mga klase ngunit kung kinakailangan talaga aniya ang suspensiyon ng klase ay susuportahan nila ang panukala ng mambabatas.

Gayunman, kaila­ngan ring alamin kung ang panganib ba ay nasa paaralan o sa tahanan.

“As much as possible, we don’t want disruptions of classes, but if it is necessary, we will support the good congressperson’s suggestion. But you don’t know where the risk is. Is it in the school or in the house?” anang kalihim, sa panayam sa te­lebisyon.

Una nang sinabi ng DOH na mula Enero 1 hanggang Hulyo 6 ay umaabot na sa 115,986 dengue cases ang naitala nila sa buong bansa, o 85 porsiyentong pagtaas mula sa 57,564 na naitala sa kahalintulad na petsa ng nakaraang taon.

Ani Duque, inaasahan na nilang tataas ang mga kaso ng sakit ngayong taon dahil sa hindi pa maipaliwanag na kadahilanan ay nakakapagtala talaga sila ng pagtaas ng dengue cases tuwing ikatlong taon.

Gayunman, inatasan na rin niya ang mga regional head na pag-aralan kung ang pagtaas ba ng dengue cases ngayong ay may kinalaman sa pagtitigil ng distribusyon ng Dengvaxia vaccine. ANA ROSARIO HERNANDEZ

Comments are closed.