KLASE PINASUSUSPINDE MUNA (Sa mga lugar na sinalanta ng bagyo)

Quezon City Rep Precious Hipolito-Castelo

HINIMOK ng isang ranking lady House official ang Department of Education (DepEd) na pansamantalang itigil muna ang klase partikular sa mga lugar na grabeng sinalanta ng mga nakaraang bagyo.

Paggigiit ni House Committee on Metro Manila Development Vice-chairperson at Quezon City 2nd Dist. Rep. Precious Hipolito-Castelo, bukod sa pakikipaglaban sa Covid-19 pandemic, mas hirap ang buhay ng marami sa ngayon, kabilang na ang mga estudyante, na nakararanas ng kawalan ng suplay ng tubig at koryente at problema sa telekomunikasyon matapos salantain nina bagyo Rolly at Ulysses.

Dahil dito, mas makabubuti umanong ipagpaliban muna ang klase base na rin sa magiging rekomendasyon ng regional, division o district office ng DepEd sa Bicol region, Cagayan at maging sa Metro Manila.

“Distance learning amid Covid-19 is no longer a case of sufficient internet access. Students have no electricity, no access to water and other basic resources,” sabi ng Quezon City lady lawmaker.

“The least we can do to help those in typhoon-ravaged communities in these trying times is give students and teachers and their families a respite from academic work,” dagdag pa niya.

Ani Castelo, matapos ragasain ang ilang bahagi ng Luzon region ng nasabing dalawang malalakas na bagyo, libo-libong pamilya ang inilikas mula sa kani-kanilang tahanan at maraming mprastraktura, kasama na ang telekomunilasyon ang nasira.

Hanggang sa ngayon, marami pa rin ang pansamantalang nanunuluyan sa evacuation centers kabilang ang public school buildings habang ang telecommunications companies (telcos) ay patuloy ring nagsusumikip na maibalik sa normal ang kanilang serbisyo.

Kaya naman sinabi ni Castelo na hanggang hindi naaayos ang telecom lines at magiging stable ang internet, electricity at water connections, mahihirapan lang mga mag-aaral na magpatuloy sa kanilang klase kahit sa pamamagitan ng online learning.

“It is only humane to allow students to recover physically and mentally in the next few weeks. Grades should not add the burden the academic community has to face in difficult times,” pagbibigay-diin pa ng mambabatas. ROMER R.  BUTUYAN

Comments are closed.