(Klase sa kalapit-paaralan sinuspinde) AMMONIA LEAK SA TAGUIG, RESIDENTE INILIKAS

INILIKAS ang mga residente ng Barangay Lower Bicutan sa Taguig City makaraang sumingaw ang ammonia sa isang ice plant kahapon ng umaga.

Ayon sa Taguig Public Information Office, alas-8 ng umaga kahapon nang maitala ang ammonia leak sa isang ice plant sa may M.L. Quezon St., Brgy. Lower Bicutan na nirespondehan ng mga tauhan ng Taguig City Rescue at Bureau of Fire Protection.

Agad na inilikas ang mga apektadong residente sa evacuation site sa Hagonoy Gymnasium.

Sinuspinde rin ang klase sa kalapit na R.P. Cruz Elementary School para matiyak ang kaligtasan ng mga estudyante.

Hinarangan rin ang mga kalsada patungo sa site para mapigilan na makapasok ang mga motorista.

“Nagtayo ng incident command post ang lokal na pamahalaan sa nabanggit na paaralan upang magbigay ng agarang updates sa sitwasyon.

Dakong alas-9 ng umaga nang ideklara ng BFP na na-contain na ang ammonia leak.

Wala namang naiulat na nasaktan sa insidente.
EVELYN GARCIA