KLASE SA MAYNILA SUSPENDIDO NA

Manila Mayor Isko Moreno

UPANG matiyak ang kaligtasan ng publiko higit lalo ang mga mag-aaral ay nagdeklara na ng class suspension sa lahat ng antas ng pampubliko at pribadong eskuwelahan sa Maynila ang lokal na pamahalaang lungsod sa gitna ng banta ng Coronavirus disease 2019 o COVID-19.

Ayon kay Manila Mayor Francisco ‘Isko Moreno’ Domagoso sa kanyang Special Report, sinabi ng alkalde na inadopt na rin ng pamahalaang lungsod ang state of public health emergency na idineklara ni  Pangulong Rodrigo Duterte kasunod ng kumpirmasyon ng Department of Health  na may sampu nang kaso ng COVID-19 sa bansa kung saan idineklara ang Code Red  Sub Level 1.

Hinikayat naman ng alkalde ang lahat ng barangay officials sa Maynila na ma­kipag-ugnayan sa city government upang magtulu­ngan  laban sa COVID-19.

Ayon pa sa alkalde, wala naman dapat ipa­ngamba dahil wala pang naitalang  Persons under investigation  bagama’t mayroon aniyang case under  monitoring sa Maynila na ngayon ay nasa 14  na.

Tinatawagan  naman ng alkalde ang lahat ng principal sa lahat ng antas ng paaralan sa Maynila na  wala munang pasok  ng isang linggo simula  Marso 9  hanggang Marso 15.

Ito ay bilang pag-iingat na rin sa posibleng pagkalat ng virus.

Nakiusap naman si Domagoso sa mga batang mag-aaral na  limitahan ang social interaction at importanteng manatili muna sa kani-kanilang mga bahay at doon na lamang mag self-study dahil puwede naman ang online education.

Mainam rin aniyang ugaliin ang personal hygiene upang makaiwas sa virus.

Una nang nagsuspindi  ng klase ang iba’t ibang lungsod kasunod ng kumpirmasyon  ng DOH sa localized transmission  sa bansa. PAUL ROLDAN

Comments are closed.