LANAO DEL SUR- KASABAY ng pagiging normal na sitwasyon, nagpatupad ng isang linggong bakasyon o suspensiyon ng klase sa Mindanao State University sa Marawi City.
Ito ay upang makapagpahinga ang mga mag-aaral at mag-alis ng takot makaraan ang pambobomba sa kanilang gymnasium nitong Linggo ng umaga.
Ayon kay Lanao del Sur Gov. Mamintal Alonto Adiong Jr. nagpasya ang pamunuan ng MSU na pauwiin muna ang mga estudyante sa kani-kanilang bahay o kalapit bayan at probinsya upang makasama ang kanilang pamilya.
Aniya, panahon rin ito para makapaghanda ang mga estudyante sa kanilang napipintong examination.
“Examination week sa MSU, so, extend ng 1 week para mabigyan ng oras ang mga estudyante,” anang gobernador.
Pinawi naman ng ang pangamba ng mga magulang ng mga estudyanteng nanatili sa campus dahil nagdagdag na ng puwersa ang Philippine National Police at Armed Forces of the Philippines.
Nanawagan naman ang gobernador sa publiko na huwag ipagtaka kung bakit may mga sundalo at pulis sa loob ng campus.
Paliwang nito, ang MSU ay may sariling security forces at makakapasok lamang ang militar at pulis kapag may pahintulot at may kautusan.
Magugunitang nitong Linggo ay naganap ang pagsabog sa loob ng gymnasium ng unibersidad na kumitil sa apat katao at sumugat sa 53 iba pa. EUNICE CELARIO