REKLAMO ang sumalubong sa mga pampublikong paaralan sa Metro Manila sa pagbubukas ng klase dahil sa kakulangan ng silid-aralan.
Ayon sa ulat, napilitan ang ilang eskuwelahan na magkaroon ng tatlong shifting upang ma-accomodate lamang ang mga enrollee, ngunit hindi pa rin ito sapat.
Ginawa rin na mas maaga ang pasok ng mga estudyante, ilan sa eskuwelahan ang may 70 hanggang 85 bilang ng mag-aaral sa kada seksiyon.
Isa sa nakaranas ng suliranin sa pasukan ang may pinakamalaking populasyong public high school sa NCR na Parañaque National High School dahil sa inaasahang lolobo pa ang bilang ng enrollees dito mula sa mahigit 12,200 ngayon.
Samantala, tinukoy naman ni Benjo Basas, chairperson ng Teachers Dignity Coalition, na siksikan pa rin sa mga paaralan sa Caloocan City, San Jose del Monte, Quezon City at ilang lugar sa Rizal.
Gayunman, nanindigan si Education Sec. Leonor Briones na natugunan na ng kagawaran ang problema sa classrooms at sinabing hindi naman na ito bagong issue.
Patuloy rin ang training sa mga guro para sa mas epektibong pagtuturo.
Batay sa tala ng Department of Education, tinatayang mahigit sa 27 milyong estudyante ang nagbalik eskuwela kahapon sa buong bansa.
Paalala naman ng MMDA (Metropolitan Manila Development Authority) sa mga motorista na gumamit ng alternate routes para sa inaasahang bigat ng traffic.
Nagbabala rin ang Pagasa Weather Bureau na magdala ng payong ang mga estudyante dahil sa inaasahang kalat kalat na pag-ulan sa ilang bahagi ng bansa.
Sa Marawi ay naniniwala ang lokal na pamahalaan doon na magandang simula para sa kanila ang pagbabalik eskuwela ng mga estudyante.
Ayon kay Marawi City Mayor Majul Gandamra, nakahanda na ang mga paaralan sa loob at labas ng siyudad, at naitayo na rin ang mga temporary learning center para sa karagdagang assistance.
Nagsisilbi umanong inspirasyon ngayon para sa mga taga-Marawi ang kanilang pagsubok na dinanas sa loob ng limang buwang bakbakan ng militar at teroristang Maute-ISIS.
Sa Nasugbu, Batangas, payapa at walang naging problema sa pagbubukas ng klase liban sa reklamo ng ilang magulang sa mabagal na pag-asiste sa mga pre-schoolers.
Ayon kay Batangas District 1 Supervisor Avelina Gaa, walang gaanong problema sa mga eskuwelahang kanyang nasasakupan dahil sapat ang bilang ng kanilang mga classroom at nagkakaisa ang mga guro at magulang para sa ikabubuti ng mga estudyante. NENET L. VILLAFANIA
Comments are closed.