KNICKS ANGAT SA 2-0 VS PACERS

BUMALIK si Jalen Brunson mula sa first-half injury upang pamunuan ang second-half comeback para sa host New York Knicks, na pinataob ang Indiana Pacers, 130-121, sa Game 2 ng Eastern Conference semifinal series noong Miyerkoles.

Umangat ang second-seeded Knicks sa 2-0 laban sa sixth-seeded Pacers sa best-of-seven series. Nakatakda ang Game 3 sa Biyernes ng gabi sa  Indianapolis.

Hindi sumalang si Brunson sa huling 15:32 ng first half dahil sa right foot injury. Abante ang Knicks sa 24-17 nang lumabas si Brunson, subalit pumasok sila sa second half na nahaharap sa 73-63 deficit.

Naglaro si Brunson sa buong 24 second-half minutes at naitala ang 24 sa kanyang team-high 29 points — na sinamahan ng 4  assists, 2 steals at 1 rebound — sa huling dalawang quarters at na-outscore ng New York ang Pacers, 67-48.

Gumawa si OG Anunoby ng 28 points bago lumabas, may 3:27 ang nalalabi sa third quarter dahil sa left hamstring injury. Ang Knicks ay naglalaro na wala sina Mitchell Robinson, na  mawawala ng anim na linggo makaraang lumala ang left ankle injury sa Game 1, at Julius Randle, na may right shoulder injury na kanyang tinamo noong Enero.

Nakakolekta rin si Donte DiVincenzo ng 28 points habang nagposte sina Josh Hart (19 points, 15 rebounds) at Isaiah Hartenstein (14 points, 12 rebounds) ng double-doubles para sa Knicks, na naglaro sa huling 8:01 na walang substitution.

Humataw si Tyrese Haliburton ng 34 points at 9 assists para sa Pacers, habang umiskor si  Obi Toppin ng 20 points mula sa bench. Tumipa si Andrew Nembhard ng 15 points, nagdagdag si Pascal Siakam ng 14 points at 9 rebounds at nagtala si T.J. McConnell ng double-double (10 points, 12 assists) mula sa bench.