TUMABO si Jalen Brunson ng 38 points at sinamahan si Quentin Grimes sa paglalaro ng buong 48 minuto para sa host New York Knicks, na nakaiwas sa pagkakasibak nang pataubin ang Miami Heat, 112-103, sa Game 5 ng Eastern Conference semifinals.
Naghahabol ang Knicks, na umabante ng hanggang 19 points sa third quarter bago tinapyas ng Heat ang deficit sa dalawang puntos sa huling bahagi ng fourth, sa series sa 3-2 papasok sa Game 6, na gaganapin sa Biyernes ng gabi sa Miami.
Kumalawit si Brunson ng 9 rebounds at nagbigay ng 7 assists. Siya at si Grimes — nagsalansan ng 8 points, 5 assists at 4 rebounds — ay naging unang pares ng Knicks na naglaro ng buong 48 minuto sa isang playoff game magmula nang gawin ito nina Walt Frazier at Jerry Lucas laban sa Boston Celtics sa Game 5 ng Eastern Conference finals noong April 23, 1972.
“Just trying to do everything I could to win,” sabi ni Brunson. “We did that. Now it’s on to Game 6.”
Tumipa si RJ Barrett ng 26 points at nagdagdag si Julius Randle ng 24 points para sa Knicks. Ang dalawa ay nakipagtuwang kay Brunson upang maitala ang lahat ng puntos sa decisive 23-5, third-quarter run ng New York.
Nagbuhos si Jimmy Butler ng 19 points, 9 assists at 7 rebounds para sa Heat, na nasayang ang 10-point, second-quarter lead. Kumubra si Bam Adebayo ng 18 points at 8 rebounds habang kumamada si Duncan Robinson ng 17 points mula sa bench. Nagdagdag si Max Strus ng 14 points at nakakolekta si Caleb Martin ng 11 points sa isang reserve role.
Warriors 121, Lakers 106
Umiskor si Stephen Curry ng game-high 27 points, nag-ambag si Draymond Green ng 20 sa pambihirang offensive explosion at nanatiling buhay ang Golden State Warriors sa Western Conference semifinals sa 121-106 panalo kontra Los Angeles Lakers.
Angat pa rin sa 3-2 sa best-of-seven series, ang seventh-seeded Lakers ay magkakaroon ng ikalawang pagkakataon na umusad sa Western finals sa pagbabalik ng series sa Los Angeles sa Biyernes.
Ang Lakers ay maaaring sumalang sa Game 6 na wala si star center Anthony Davis, na aksidenteng tinamaan sa tabi ng ulo ni Golden State’s Kevon Looney habang pumoposisyon ang dalawa para sa rebound bago ang kalagitnaan ng fourth quarter noong Miyerkoles.
Agad na inilabas si Davis at napaulat na isinakay sa wheelchair papasok sa locker room ng Los Angeles. Hindi na bumalik sa laro si Davis, na umiskor ng 23 points sa 10-for-18 shooting.
Nagbuhos si LeBron James ng 25 points at napantayan ang team-high 9 rebounds ni Davis upang pangunahan ang Lakers, na natalo rin sa Game 5 sa road sa kanilang first-round matchup laban sa Memphis Grizzlies bago bumalik sa home upang selyuhan ang series win sa Game 6.
Umiskor sina Austin Reaves at D’Angelo Russell ng tig-15 points at gumawa si Dennis Schroder ng 14 para sa Los Angeles, na 5-0 sa home ngayong postseason.