KNIGHTS INAPULA ANG BLAZERS

Standings W L
Benilde 3 1
LPU 3 1
Letran 2 1
Arellano 3 2
San Beda 2 2
SSC-R 2 2
JRU 2 2
Perpetual 2 2
Mapua 1 3
EAC 0 4

Mga laro bukas:
(Filoil EcoOil Centre)
12 noon – JRU vs Benilde
3 p.m. – San Beda vs Perpetual

NAGING matatag ang Letran sa huling sandali upang pataubin ang College of Saint Benilde, 81-75, at maibalik ang kanilang winning ways sa NCAA men’s basketball tournament nitong Biyernes sa Filoil EcoOil Centre.

Nalimitahan ng Knights ang Blazers sa season-low, habang isinalpak ni Fran Yu ang isang lay-up upang bigyan ang defending champions ng 79-75 bentahe sa huling 54.1 segundo.

Kasunod nito ay gumawa si Mark Sangalang ng dalawang crucial defensive stops sa huling sandali upang biguin ang Benilde, na naputol ang three-game winning run.

Samantala, ipinagpaliban ng liga ang nag-iisang laro ngayong Sabado sa pagitan ng San Sebastian at ng Lyceum of the Philippines University makaraang isailalim ang anim na Stags players sa health and safety protocols.

Kanselado rin ang laro sa Martes sa pagitan ng San Sebastian at ng Emilio Aguinaldo College at lalaruin na lamang sa ibang araw.

Bumawi mula sa 69-72 loss sa Arellano University noong Linggo na tumapos sa kanilang 14-game winning streak, ang Letran ay umangat sa 2-1 sa third place.

Nagbuhos si Brent Paraiso ng career-high 25 points na sinamahan ng 4 steals, 3 assists at 2 rebounds, nag-ambag si Yu ng 12 points, 9 rebounds, 6 assists at 6 steals, habang umiskor sina rookie Kobe Monje at Pao Javillonar ng tig-10 points para sa Knights.

Nakahinga nang maluwag si coach Bonnie Tan makaraang hindi kumulapso ang Knights sa endgame taliwas sa nangyari sa kanilang pagkatalo sa Chiefs.

“I challenged the boys na huwag sanang mangyari ‘yung nangyari sa last game namin against Arellano,” sabi ni Tan.

“Talagang very frustrated ang team and ayaw nga sanang maulit,” dagdag pa niya.

Batid ni Sangalang, kumalawit ng 10 rebounds, ang kanyang papel na gagampanan.

“Mas focus ako sa depensa,” pahayag ni Sangalang, na gumawa ng key block kay Will Gozum sa huling bahagi ng laro.

Nagsalansan si Gozum ng 23 points, 10 rebounds at 2 steals, nagdagdag si Miggy Corteza ng 18 points at 7 boards habang umiskor sina Robi Nayve at Ladis Lepalam ng tig-10 points para sa Blazers.

Sa ikalawang laro ay naungusan ng University of Perpetual Help System DALTA ang Mapua University, 79-77.

Iskor:
Unang laro:
Letran (81) — Paraiso 25, Yu 12, Javillonar 10, Monje 10, Caralipio 8, Reyson 6, Santos 6, Sangalang 4, Ariar 0, Olivario 0, Bautista 0.
Benilde (75) — Gozum 23, Corteza 18, Nayve 10, Lepalam 10, Cullar 7, Sangco 4, Pasturan 2, Flores 1, Marcos 0, Carlos 0, Dimayuga 0.
QS: 25-23, 50-46, 71-62, 81-75.

Ikalawang laro:
Perpetual (79) — Aurin 18, Razon 15, Nitura 13, Abis 11, Roque 9, Omega 9, Flores 4, Barcuma 0, Martel 0, Cuevas 0, Orgo 0, Nunez 0.
Mapua (77) — Gamboa 12, Hernandez 11, Soriano 11, Nocum 10, Bonifacio 10, Pido 9, Lacap 8, Garcia 4, Cuenco 2, Agustin 0, Mercado 0.
QS: 20-24, 38-41, 60-55, 79-77.