KNIGHTS SALO SA THIRD SPOT

Standings W L
Benilde 7 2
JRU 5 2
LPU 7 3
Letran 7 3
San Beda 6 3
Arellano 4 5
Perpetual 4 6
SSC-R 3 5
Mapua 2 8
EAC 1 9

Mga laro ngayon:
(Filoil EcoOil Centre)
12 noon – Benilde vs Mapua
3 p.m. – EAC vs LPU

TINAMBAKAN ng defending champion Letran ang University of Perpetual Help System Dalta, 74-59, upang sumosyo sa ikatlong puwesto sa NCAA men’s basketball tournament kahapon sa Filoil EcoOil Centre.

Ginamit ng Knights ang kanilang depensa sa paglimita sa Altas sa 8 points sa third period at naprotektahan ang kalamangan hanggang sa huli upang hilahin ang winning run sa apat na laro.

Tabla ngayon sa Lyceum of the Philippines University sa third spot sa 7-3, nangako ang Letran na gagalingan pa sa krusyal na yugtong ito ng season.

“Ang sabi lang sa amin ni coach Bonnie (Tan), kailangan namin na mag-dictate kami ngayon sa second round. Kasi noong first round, medyo up and down ang performance namin,” wika ni Brent Paraiso, nanguna sa Knights na may 16 points, tampok ang tatlong triples, 7 rebounds at 3 assists.

“Kaming mga seniors, sinabi namin last year natin ito, so kailangang ibigay ang best natin every game namin kasi hindi natin alam kasi dikit ang standings ngayon,” dagdag pa niya.

Determinado rin si Mark Sangalang, na solid din para sa Letran na may double-double outing na 10 points at 10 rebounds, na makabawi mula sa nakadidismayang first round, kung saan hindi siya nakapaglaro, kasama si Paraiso, sa unang dalawang laro dahil sa suspensiyon.

“In the second round, let’s make a good run. Iyan ang sabi ko sa kanila. Lahat ng team, pinaghahandaan tayo. Lahat gagawin nila para talunin tayo. Dapat makagawa kami ng good run para makuha ang goal namin,” ani Sangalang.

Tinalo rin ng Knights ang Altas, 70-67, sa first round – ang kanilang unang pagtatagpo magmula noong Final Four ng nakaraang season.

Nahulog ang Perpetual sa 4-6 sa seventh place.

Nagbida si Jielo Razon sa Altas na may 13 points, 6 rebounds, 3 assists at 3 steals habang nagdagdag si Joey Barcuma ng 11 points, 6 boards at 2 assists.

Nakansela ang laro ng San Beda, katabla ang Letran sa fourth place sa pagtatapos ng first round, at Arellano University sa first game dahil sa health and safety protocols.

Iskor:
Letran (74) — Paraiso 16, Sangalang 10, Caralipio 9, Reyson 9, Javillonar 8, Yu 7, Olivario 3, Santos 2, Tolentino 2, Monje 2, Miclat 2, Go 2, Ariar 1, Guarino 1, Bautista 0.
Perpetual (59) — Razon 13, Barcuma 11, Abis 7, Nitura 7, Boral 4, Ferreras 4, Martel 3, Flores 3, Movida 3, Egan 2, Orgo 2, Omega 0, Roque 0, Cuevas 0, Pagaran 0.
QS: 22-11, 37-33, 50-40, 74-59.