KNIGHTS SOSOSYO SA LIDERATO

Standings W L
Benilde 4 1
LPU 4 1
Letran 3 1
Arellano 3 3
San Beda 2 2
SSC-R 2 2
JRU 2 2
Perpetual 2 3
Mapua 1 4
EAC 0 4

Mga laro ngayon:
(Filoil EcoOil Centre)
12 noon – Mapua vs JRU
3 p.m. – Letran vs San Beda

SASAGUPAIN ng three-peat seeking Letran, lalaro na wala ang dalawa nilang key players, ang San Beda sa NCAA men’s basketball tournament ngayong Biyernes sa Filoil EcoOil Centre.

Magsisilbi sina Brent Paraiso at Mark Sangalang ng one-game suspension habang target ng Knights na sumalo sa liderato sa kanilang 3 p.m. duel sa Red Lions.

May 3-1 record, umaasa ang Letran na muling samahan ang College of Saint Benilde at Lyceum of the Philippines University, kapwa may 4-1 kartada, sa ibabaw ng standings.

Subalit sa pagkawala nina Paraiso at Sangalang, ang Knights cagers ay mahihirapang hilahin ang kanilang winning streak sa tatlong laro.

Sina Paraiso at Sangalang ay napatalsik sa laro dahil sa magkahiwalay na unsportsmanlike behaviors sa final period ng 67-62 panalo ng Letran kontra Mapua noong nakaraang Martes.

May average na team-best 12.75 points ngayong season, ang opensa ni Paraiso ay hahanapin ng Knights, habang si Sangalang ang top rebounder ng koponan na may 10.25 per game.

Si Fran Yu ay mananatiling main man para sa Knights, kasama sina Kurt Reyson, King Caralipio, Pao Javillonar at rookie Kobe Monje.

Target ng San Beda, kasalukuyang tabla sa San Sebastian at Jose Rizal University sa 2-2, ang kanilang unang back-to-back wins sa season.

Ang Red Lions ay galing sa isang linggong pahinga matapos ang 78-71 panalo kontra Stags. Nakatakda sanang magsagupa ang San Beda at University of Perpetual Help System Dalta noong nakaraang Linggo ngunit nakansela ito dahil sa Super Typhoon Karding.

Lugmok sa four-game losing streak matapos ang mainit na opening day win kontra Red Lions, umaasa ang Cardinals na makakawala sa slump kontra Bombers sa 12 noon curtain raiser.