KUMPIYANSA ang Philippine Athletics Track and Field Association (PATAFA) na makakapasok si Kristina Knott, ang sprint queen ng bansa, sa 2021 Tokyo Olympics.
Tangan ni Knott, 25, ang national records sa 100m (11.27 seconds) at 200m (23.01 seconds). Ang parehong oras ay hindi sapat para sa Olympic qualifying standard, subalit naniniwala si PATAFA chief Philip Ella Juico na maaabot din ni Knott ang marka.
“Kristina is shy, a little off both the 100- and 200-m standards,” pahayag ni Juico sa Philippine Sportswriters Association (PSA) webinar Forum. “She can either qualify outright, or by ranking, although we prefer she qualifies outright.”
Ang Olympic qualifying time para sa 100m ay 11.15 seconds, habang sa 200m ay 22.80 seconds.
Kapag hindi niya naabot ang standard, maaari pa ring makapasok si Knott sa Olympics via universality places, subalit sa mga naunang pahayag ay sinabi niya na nais niyang makamit ang qualifying times.
“I want to earn my spot. I’m here because I ran fast enough to hit the qualifying time,” ani Knott. So the whole betting on the, oh we’re gonna send one girl. I don’t want it that way. I want to qualify.”
Tiwala rin si Juico na maaabot ni Knott ang qualifying times, lalo na matapos ang kanyang performance sa Drake Blue Oval Showcase sa Iowa noong nakaraang Agosto kung saan binura niya ang 33-year-old record ni Lydia de Vega sa century dash.
Naorasan si Knott ng 11.27 seconds sa naturang meet, sa likod ni Kayla White ng United States na nagsumite ng season-best 11.18-seconds.
Nagpahinga si Knott sa kumpetisyon noong September, subalit sinabi ni Juico na nakatakda na itong bumalik sa pagsasanay. Ang kanyang indoor season ay magsisimula sa February.
Apat na Pinoy na ang naunang nagkuwalipika sa Tokyo Olympics na gaganapin sa July 23-August 8 sa susunod na taon — pole vaulter EJ Obiena, boxers Irish Magno at Eumir Marcial, at gymnast Carlos Yulo.
Comments are closed.