NAPAKAIMPORTANTE na may tiwala tayo sa linyada ng manok panabong na ating pinapalahi. Isang linyada na gustong-gusto natin at isang uri ng linyada na alam natin na hindi tayo basta iiwan sa loob ng ruweda.
Kaya mahalaga na alam natin ang history ng broodstocks na gagamitin natin, dapat subok sa kahit anong level na labanan, at higit sa lahat mataas ang kalidad.
“Kilalaning mabuti ang bawat linyada na gagamitin sa pagpapalahi. Huwag umasa sa tsamba o baka sakali lamang sapagkat matagal na proseso ito, nakakapagod at napakalaki ng gastusin dito,” ani Marco Madeja Engo ng Badlands Gamefarm sa Samar, isang OFW na nakabase sa Amerika at sikat na breeder ng Witchdocter Doms.
Dapat din umanong isaalang-alang ang longevity ng isang linyada. Patunay lamang umano na malulusog ang kanyang angkan sapagkat hindi sila sakitin kaya nabubuhay sa kabila ng pabago-bagong panahon o klima.
“Kahit na mataas ang kalidad ng linyada kung sa simpleng ambon lang ay nagkakasipon na, walang silbi para padamihin ang Isang linyada ng manok panabong,” ani Marco.
Puwede rin umanong ma-develop ang ‘potential’ ng isang manok at puwede ring hindi kung napapabayaan.
Mahalaga rin umano na alamin ang history ng isang linyada kung ito ba ay magagaling na linyada ng manok na tinatawag ‘showfowl bloodline’ o ‘battle warriors’.
“’Pag nagpapalahi simula pa ng sinaunang panahon sa mga magagandang manok kung mapapansin natin simula sa ulo hangang sa dulo ng buntot ng manok at ito ay ginagamit sa paligsahan ng ‘show’ parang rarampa o lalakad ‘yan ang kalidad ng showfowl,” ani Marco.
“Ang battle warriors ay pinapalahi upang gamitin sa competition ng tinatawag na cockfighting, long knife, short knife, gaff, spur (tahid) at iba pa. Alamin ang katangian o linyada ng gusto mong manok panabong bago bumili at mag-venture into breeding para di sayang ang pagod, oras at higit sa lahat pera mo,” payo niya sa mga gustong pasukin ang gamefowl breeding.
Mahalaga rin umano na may sinusunod tayo na pamamaraan sa selection process simula sa pagpapares ng mga gagawing palahiing manok o broodstocks at hindi tsamba na magkakaroon ka ng maayos na resulta sa iyong palahi
Aniya, dapat kilala natin ang potentials ng bawat linyada maging pure strain man ito o cross na gagamitin natin sa pagpapalahi upang maging malusog at puno ng maayos na kahihinatnan ng mga mapo-produce natin na offspring o anak nila.
“Walang tsamba sa breeding kaya may tinatawag tayong tamang pamamaraan ng pagpapalahi at pagpili o selection process ng mga ancestor parent upang maiwasan ang pagkakamali at ‘di kanais-nais na resulta,” ani Marco.
“Tanging ang mga broodstock lamang na may maayos na linyada ang gagamitin, malusog at ‘di sakitin, katamtaman ang laki at tangkad nito, maayos ang hubog ng katawan, hindi payatin at hindi rin tabain,” dagdag pa niya.
Comments are closed.